Filtered By: Topstories
News

Radio broadcaster patay sa ambush sa Davao


Hindi na umabot ng Pasko ang isang radio broadcaster sa Davao City matapos siyang tambangan at mapatay ng mga hindi kilalang salarin nitong Lunes ng umaga. Sa ipinadalang text message sa GMANews.TV ni Davao City Rep. Prospero Nograles, kinilala ang biktima na si dxGO Davao radio anchor na si Ferdie Lintuan. Si Lintuan ang ikalimang mamamahayag sa Pilipinas na napaslang ngayon taon batay sa talaan ng Press Emblem Campaign o PEC na nakabase sa Geneva, Switzerland. Sakay umano ng kotse ang biktima nang pagbabarilin ng mga salarin sa tapat ng himpilan ng radyo dakong 10 am. Ligtas naman ang dalawang sakay ni Lintuan na kapwa myembro rin ng media. “One of our own Davao media man named Ferdie Lintuan aka Batman was ambushed with two other media men (while) driving his car. He is dead on the spot outside his radio station dxGO Davao about 20 minutes ago. A very hard-hitting no-nonsense investigative type of radio anchor," nakasaad sa text message Nograles. Inilarawan ni Nograles si Lintuan na isang "hard-hitting" radio anchor sa Davao tulad ni Jun Pala na pinaslang din sa Davao City ilang taon na ang nakalilipas. Si Lintuan ay dating presidente ng Davao Sportswriters' Association. Ayon kay Jose Torres Jr, chairman ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), napag-alaman sa kanilang Davao Chapter na si Lintuan ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo na sanhi ng agad niyang pagkamatay. Sa inisyal na ulat, sakay si Lintuan ng kanyang Volkswagen at paalis na sa himpilan ng radyo sa R. Castillo St. sa Davao City nang barilin ito ng isa sa dalawang lalaki na nakasakay ng isang motorsiklo. Tumama umano ang bala sa itaas ng bahagi ng kanang taenga ni Lintuan at lumabas sa kaliwang taenga. Nakilala naman ang kanyang mga kasama sa kotse na sina Louie Ceniza at Edgar Banzon. Sa mga nakalipas na araw, sinabi ni Torres na naging paksa ng mga komentaryo ni Lintuan ang usapin tungkol sa People’s Park sa Davao, ang Task Force Davao at Customs. Umapela sa mga testigo sa krimen si Davao City Police chief Sr. Supt. Jaime Morente na tumulong sa ikalulutas ng pagpaslang kay Lintuan. "This is the height of violent insanity. All media should join forces and get to the bottom of this brutal murder . I am calling all the law-enforcement agencies to immediately act, investigate and arrest the perpetrators and whoever may be responsible for this brutality," ayon kay Nograles. Nais din ni Nograles na bumuo ang pulisya ng special task force na sisiyasat sa kaso ni Lintuan na hindi kontrado sa pulisya ng Davao city. “The investigation of Lintuan case should be withdrawn from the Davao City Police Office and a special task force which is beyond the influence of political personalities in the city should be created to investigate the murder," anang kongresista. “No words can now describe my sadness because of this senseless death of Ferdie. He is one of the few mediamen in Davao who speak their minds without fear or favor, the other one being Jun Pala, who was killed in the same fashion several years ago," idinagdag niya. Inihayag ni Torres: "We again deplore this attack coming at the time when we are suppose to celebrate the birth of our Lord. We call on the PNP to be vigilant not only against rebel attacks but should also focus on protecting ordinary citizens, including journalists."- GMANews.TV