Sinabi ni Liberal Party (LP) president at senador na si Francis "Kiko" Pangilinan na makikipag-usap sila sa ilang personalidad para makipag-alyansa tulad nina Sens. Panfilo Lacson, Nancy Binay, Joel Villanueva at maging kay Manila Mayor Isko Moreno bilang paghahanda sa 2022 elections.

Sa virtual interview ng media nito Martes, sinabi ni Pangilinan na sinisikap ng kanilang partido na palawakin ang pagkakaisa ng ibang partido na mahalaga upang matalo ang administrasyon sa halalan.

“Nandiyan si Senator Lacson, nandiyan si Senator Villanueva, nandiyan si Senator Binay ‘di ba? Nandiyan si Isko Moreno, nandiyan, of course, si Vice president Leni [Robredo],” ani Pangilinan.

“Can you imagine kung lahat ‘yon ay magkaisa para sabihin na gusto natin ng mas magandang direksyon sa ating bansa?” giit niya.

Pero sa ngayon, sinabi ni Pangilinan na "informal" pa lang ang pakikipag-usap ng LP sa nabanggit na mga personalidad.

“There are discussions, informal. May mga pinapaabot na kung maaring magkaroon ng mga pag-uusap. So the Liberal Party is willing to help bring together with the leadership of our Vice President, help bring together the broadest unity possible come 2022,” paliwanag niya.

“Sabihin na nating mayroong efforts to reach out,” dagdag ni Pangilinan.

Bagaman nauna nang inihayag ni Senate President Vicente Sotto III ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) na posibleng maging standard bearer ng partido nila si Lacson, sinabi ni Pangilinan na nais lang niyang sabihin na bukas ang LP na bumuo ng alyansa sa ibang grupo para mas malakas na puwersang hindi kaanib ng administrasyon.

“Again, balikan natin ang leksyon sa EDSA 1 at EDSA 2 na hanggat maaari, nasa usapan naman ‘yan basta magkaroon ng maliwanag na pagkakaisa, bukas ang LP sa ganoong pinakamalawak na pagkakaisa,” sabi ni Pangilinan.

Una rito, sinuportahan ni Pangilinan ang pahayag ni Robredo na dapat isang kandidato lang ang maging pambato ng oposisyon sa darating na halalan na itatapat sa pambato ng administrasyon.

Kung hindi tatakbo si Robredo sa panguluhan, sinabi ni Pangilinan na handang suportahan ng LP ang kandidatong manggagaling sa ibang partido.

Kabilang si Robredo sa anim na personalidad na pinagpipilian ng anti-Duterte coalition na 1Sambayan para maging kandidatong pangulo at bise presidente sa 2022 elections.

Kasama ni Robredo sa listahan sina dating Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Grace Poe, CIBAC party-list Representative Eduardo Villanueva, human rights lawyer Jose Manuel "Chel" Diokno, at Batangas Representative Vilma Santos-Recto.--FRJ, GMA News