Isyu ng laglag-bala sa NAIA, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
Bawal ang Pasaway: Laglag-bala

Mainit ngayon ang sinasabing Laglag-bala Scam sa mga paliparan. Sunod-sunod kasi ang mga pasaherong nahuhulihan ng bala sa kanilang mga bagahe. Ang ilan sa kanila, itinatanggi na nagdala sila ng bala sa airport.

Gaya na lang ni Gloria Ortinez na isang OFW. Sa panayam sa kanya ni Mareng Winnie, ikinuwento niya na pabalik na siya sa Hong Kong nang mahuli siya na may bala sa kanyang bag. Itinanggi ni Ortinez na kanya ang bala.
Dagdag pa niya, sa X-ray screening sa Laoag City International Airport ay walang nakitang bala sa kanyang mga dalahin. Ngunit pagdating niya sa NAIA, papunta sa boarding gate ng flight papuntang Hong Kong, saka siya hinuli. Ang resulta, hindi na siya nakabalik sa trabaho na labing tatlong taon na niyang ginagawa. Matinding trauma rin daw ang kanyang pinagdadaanan dahil sa pangyayari.

Sa panayam naman ni Mareng Winnie sa administrator ng Office for Transportation Security na si Retired Commodore Roland Recomono, sinabi nitong ang papel ng kanyang ahensya ay siguruhin na walang mga ipinagbabawal na kagamitan na makakapasok sa loob ng eroplano. Para makita ang mga ito, kailangang idaan sa x-ray ang mga gamit ng pasahero. Kung sa tingin nila ay may kahina-hinalang bagay tulad ng bala, saka pa lang nila ipalalabas ang mga gamit.
Sa tanong ni Mareng Winnie kung bakit hindi na lang kumpiskahin ang mga nakukuhang bala sa halip na ikulong ang mga nahuhuli, sinabi ni Recomono na sumusunod lang siya sa batas, at ang pagdala ng bala ay isang paglabag sa batas. Nasabi tuloy ni Mareng Winnie kung ano ang tumatakbo sa isipan ng marami: bakit kailangan ikulong ang tao sa pagkakaroon lang ng bala? Hindi kaya OA lang ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas? Hindi ba dapat indintihin na lang nila ang kalagayan ng mga OFW?

Sa kanyang pagbisita sa opisina, saktong may mga nahuli sa pagdala ng bala. Nakapagtatakang sikat na sikat ang isyu pero may nahuhuli pa rin. Ano kaya ang kuwento sa likod ng mga pag-arestong ito? At ano ang dapat natin gawin kung tayo ay mabiktima?
Sa kabila ng mga usap-usapan na maaaring sangkot ang mga tauhan ng OTS sa sinasabing paglalagay ng bala sa mga gamit ng mga pasahero, inamin ni Recomono na hindi nila maaaring tanggalin sa trabaho ang mga pinagbibintangan. Ang dahilan, sa Lunes natin malalaman.
Kapuso, sino kaya ang mga tunay na pasaway rito? Ang pasahero, ang sindikato, o ang NAIA mismo?