Northern Samar Gov. Jose Ong, sasalang sa hot seat ng 'Bawal ang Pasaway'
GMA News TV
November 16, 2015
Monday 10:15 PM
Bawal ang Pasaway: Mayaman si Gov, mahirap kami

Pagkatapos nina Gov. Jose Alvarez at Gov. Vilma Santos, si Gov. Jose Ong ng Northern Samar ang ikatlong pinakamayamang gobernador sa Pilipinas. Pero kung ano ang kinayaman ng gobernador, siya namang kabaliktaran ng lugar na kanyang pinamumunuan.

Ayon sa kanyang 2014 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, si Governor Ong ay may net worth na P301 Million. Ayon sa National Statistical Coordination Board o NSCB, nasa ikalabing dalawang puwesto ang Northern Samar sa pinakamahirap na probinsya ng Pilipinas.
Sa pagharap ni Gov. Ong kay Mareng Winnie, sasagutin niya kung saan nanggaling ang kanyang yaman. Bilang gobernador, ano ang ginagawa niya para maitaas ang antas ng pamumuhay ng kanyang mga kababayan? Bakit mahirap pa rin ang Northern Samar? Pumunta ang programang Bawal ang Pasaway mismo sa mga lalawigang naghihikahos para imbestigahan kung bakit nangungulelat ang probinsya.

Nagsimula ang karera sa pulitika ni Gov. Ong noong 1988 bilang Kongresista. Nagpahinga siya ng mahigit dalampung taon bago muling sumabak sa pagiging Gobernador noong 2013. Dati karibal ng kanilang pamilya ang mga Daza. Pero para sa darating na halalan, nagsanib pwersa na sila. Ano ang nasa likod ng paggawa ng isang coalition ng dalawang dating magkaribal na pamilya? Ano ang magiging epekto nito sa Eleksyon 2016?
Lahat ng ito, pupulsuhan ni Mareng Winnie! Ngayong Lunes sa Bawal ang Pasaway, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.