Part 2 ng interview sa mayoral candidates sa Olongapo City, abangan sa 'Bawal ang Pasaway'
GMA News TV
March 28, 2016
Monday 10:15 PM
Bawal ang Pasaway: Olongapo Elections 2- Sino ang sinungaling?

Noong nakaraang Lunes, aakalain mong naging sabungan ang set ni Mareng Winnie dahil sa nag-rambulang mga kandidato ng Olongapo!
Tila nakuryente sa usapang elektrisidad ang mga tumatakbo bilang alkalde ng Olongapo city na sina incumbent Mayor Rolen Paulino, dating Mayor James "Bong" Gordon, Jr. at ng bagitong si Octavio "Ogie" Galvezo. Ang kanilang pinagtalunan ang isyu tungkol sa utang sa kuryente ng lungsod at pagsasapribado ng Public Utilities Department o PUD kung saan nagmumula ang kuryente ng Olongapo. Nagkalabo-labo rin nang pag-usapan ang krimen at prostitusyon. Pero warm up pa lang iyon, mga Kapuso.

Sa ikalawang bahagi ng kanilang paghaharap-harap, inakusahan ni Paulino si Gordon ng paglustay sa P21M pondo ng siyudad para sa mga tarpaulin. Aniya, dumating na lang daw ang bill sa kaniyang opisina. May nakapirma sa mga dokumento na may initials na ACG. Nang tanungin ni Mareng Winnie si Gordon kung asawa ba niya ito, tugon ni Gordon na hindi niya alam. Baka raw si Alice in Wonderland ito.
Kumambyo naman si Gordon at sinabing hindi ito dapat ang isyu. Ang dapat daw tutukan ay ang mga isyung graft and corruption na inihain laban kay Mayor Paulino. Dagdag pa niya, mayroong pitong mahahalagang imprastruktura ng siyudad ang kailangang ilipat para lamang maipatayo ang isang mall. Ayon kay Paulino, uupa lamang sa lugar ang nasabing mall at makikinabang naman ang siyudad dito. Ayon naman kay Galvezo, hindi na kailangan ng Olongapo ng isa pang mall.

Inakusahan din ni Gordon si Paulino na habang bumabagyo at bumabaha sa Olongapo, nagbabakasyon umano ito sa ibang bansa. Dito na nagpanting ang tenga ni Paulino at sinabing sinungaling si Gordon. Maglalabas daw siya ng patunay na naririto siya noong mga panahong iyon.
Ano nga ba ang katotohanan sa likod ng mga isyung ito? Abangan ang Round 2 ng sagupaan ng mga tumatakbo bilang alkalde ng Olongapo sa Bawal ang Pasaway with Mareng Winnie, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.