Annulment at divorce, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
DIVORCE VS ANNULMENT
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
LUNES, JUNE 26, 2017
10:15 PM SA GMA NEWS TV

Ang pag-aasawa ay hindi parang kanin na mainit na kapag isinubo mo at napaso ka ay basta na lang iluluwa. Ito ang kasabihan at payo na madalas maririnig lalo na sa mga matatanda. Yun nga lang, sa panahon ngayon, uso pa ba ang forever?
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, sa loob ng nakaraang 10 taon, nasa 20% ang ibinaba ng dami ng mga Pilipinong nagpapakasal. Tumaas naman ang bilang ng mga naghihiwalay at nagfa-file ng annulment cases ayon naman sa datos ng Office of the Solicitor General.
Kaya sa ika-anim na pagkakataon, inihain ang isang panukalang batas para sa diborsyo – ang HB2380. Ayon sa mga grupong nagsusulong ng panukala, malaking pahirap ang hindi pagkakaroon ng Divorce Law sa Pilipinas dahil mahal, matagal ang masalimuot ang proseso ng Annulment sa bansa.
Sa Lunes, hihimayin ni Mareng Winnie ang detalye tungkol sa annulment at divorce kasama sina Atty. Raymond Fortun at Asliyah Limbona.
Ayon kay Atty Fortun, isang litigation lawyer, tila mahirap naman maisabatas ang Divorce dahil karamihan pa rin ng mga Pilipino ang sagradong Katoliko. Dagdag niya, sa mga kaso ng Annulment na nahawakan niya, 90% ang Psychological incapacity ang dahilan at kalimitang umaabot mula isa hanggang tatlong taon ang mga court proceedings.
Para naman kay Asliyah Limbona ng Pro-Divorce Philippines, panahon na para magkaroon ng Divorce sa bansa upang magkaroon ng pagkakataon ang mga babae at lalaki na muling makapagkasal kasama ang taong mahal nila. Hindi umano biro ang danasin ang hindi magandang buhay may-asawa pero mas pahirap pa ang kailangang pagdaanan para mapa-walang bisa ang kasal.
Kasalan at hiwalayan, pag-usapan natin yan ng masinsinan kasama si Mareng Winnie sa Bawal ang Pasaway sa Lunes, 10:15 PM sa GMA News TV.