Serbisyo ng internet sa bansa, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
INTERNET SA PILIPINAS, MAY PAG-ASA PA BA?
LUNES, 20 AUGUST 2018
10:15 PM SA GMA NEWS TV

Usad pagong, nakakabutas ng bulsa at sakit sa ulo ng mga subscriber - ganito ang internet connection sa Pilipinas. Nasa ika-100 na puwesto ang Pilipinas sa 130 bansa sa pag-aaral na isinagawa ng Akamai Technologies Solutions Inc., isang American-based content delivery network. Nakararanas lamang ng average connection speed na 5.5 megabits per second ang Pilipinas, na mas mababa kaysa sa global average na 7.2 mpbs. Malayong malayo rin ito sa average connection speed sa South Korea na 28.6 mbps na siyang pinakamabilis sa buong mundo.
Sa panayam ni Mareng Winnie kay Department of Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio, aminado ang kalihim na problemado talaga ang internet connection sa bansa. Dahil daw dito, mismong si Pangulong Duterte na ang nag utos na magpapasok na raw ng third player pagdating sa telecommunications at internet services sa bansa. Ayon pa sa kalihim, ngayong Agosto, inilabas na ng kanilang ahensya ang mga panuntunan at requirements sa mga kumpanyang nais mag-aapply bilang "third player" para matuldukan na ang kasalukuyang "duopoly" sa ganitong serbisyo.

Bukod sa problema sa internet mayroon ding problema sa mobile services tulad ng mga prepaid load na 'di umano ay "kinakain" at mga false advertisement tungkol sa mga unlimited service. Ayon kay Rio, ito rin ang dahilan kung bakit kinakailangan may makapasok na third player para raw madagdagan ang kompetisyon. Sa ngayon, marami na raw ang nagpahayag ng interes katulad ng ZTE na mula sa China.
Paano nga ba makakausad ang Pilipinas sa usad pagong na internet service ng bansa?
Himayin natin ngayong Lunes ang problema ng telecommunication sa bansa sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.