Libreng tuition fee sa kolehiyo, sino ang makikinabang?
_2019_10_01_17_08_57.jpg)
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
LIBRENG TUITION SA KOLEHIYO
October 1, 2019, 7:15 pm on GMA News TV
Para sa milyon-milyong mga estudyante at kanilang mga magulang, malaking ginhawa ang libreng tuition at miscellaneaous fees sa mga State Universities (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs). Pero kung may hangganan ang pondo ng pamahalaan at may kakayahan naman magbayad ng tuition ang ibang mag-aaral, nararapat nga ba na libre pa rin para sa lahat ang edukasyon sa kolehiyo?
Sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA), mayaman man o mahirap, basta nakapasa sa naayon na State Universities (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs), libre na ang tuition pati ang labintatlong miscellaenous fees. May pagkakataon din ang mga kasali sa Listahanan 2.0 at 4Ps ng DSWD na magkaroon ng Tertiary Education Subsidy sa pampubliko at pribadong institusyon. May P40,000 na subsidy sa bawat mag-aaral mula sa pampublikong kolehiyo, at P60,000 naman sa mag-aaral mula sa pribadong kolehiyo.
Libre na rin ang bayarin ng mga nais mag-aral ng TVET sa TESDA. At mayroong short term Student Loan Program (SLP) para sa mga nangangailangan. Subalit, dahil para ito sa lahat, kaagaw na ng mga mahihirap ang mga may kakayanan magbayad ng matrikula. Sa 10,000 na pumasa sa UPCAT noong 2018, lima lamang ang piniling mag-“opt out” o magbayad ng tuition. Ang isa sa kanila, nakausap ng Bawal ang Pasaway.


Kasama sa pagpapatupad ng batas na ito sina Atty. Carmelita Yadao-Sison, Executive Director ng UniFAST (Unified Financial Assistance System for Tertiary Education) at Professor Richard Gonzalo, ang AVP for Student Affairs ng UP Diliman.
Mula noong 2013, ang UP Diliman ay may ginagamit na Socialized Tuition System (STS) para sa pag-classify ng mga estudyante na nangangailangan ng libreng tuition. Ayon kay Professor Gonzalo, malaki ang hinarap na pagbabago ng Unibersidad mula sa pagpasa ng Free Tuition Law. Ang subsidiya na dati ay galing sa tuition fee, ngayon ay sisingilin nila mula sa gobyerno. Dumagsa rin ang dami ng aplikante sa UP System dahil sa libreng tuition.
Mabuti man ang intensyon ng batas na ito, kailangan pa itong suriin at amiyendahan upang mapunta ang pinansiyal na tulong sa mga nangangailangang mag-aaral. Halimbawa, ayon kay Atty. Sison, ang mga estudyante na nakatatanggap ng TES o ayuda sa kanilang unang taon sa kolehiyo ay walang garantiya na may maasahang tulong sa susunod na taon. Ito raw ay dahil pabago-bago ang Listahanan 2.0 taon-taon at posibleng matanggal ang pangalan ng estudyante sa listahan.
Matagal pa bago natin makita at maramdaman ang pangmatagalang epekto ng Free Tuition Law. Ngunit sapat ba ang pera ng gobyerno upang sustentuhan ang bagong batas? Alamin sa panayam ni Mareng Winnie ngayong gabi, 7:15pm, sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie.
(English)
Bawal ang Pasaway discusses the pros and cons of the Universal Access to Quality Tertiary Education Act, more commonly known as the Free Tuition Law which makes college education free in all State Universities and Colleges (SUCs) and Local Universities and Colleges (LUCs). Professor Winnie Monsod interviews Atty. Carmelita Yadao-Sison, Executive Director ng UniFAST (Unified Financial Assistance System for Tertiary Education) about the improvements and revisions that should be considered to give greater access to students most in need of the financial assistance. Mareng Winnie also talks to Professor Richard Gonzalo, UP Diliman AVP for Student Affairs who admits that even though there is an option in the law, where students can choose NOT to avail of the free tuition, in 2018, out of 10,000 UPCAT passers, only 5 opted out.