Isang sagradong burial jar ng Sagada, ninakaw sa Balangaan Cave

Isang burial jar na huling natagpuan sa kuweba ng Balangaan Cave ang ibinalitang nawawala, ayon sa Lokal na Pamahalaan ng Sagada.
Hindi na raw matagpuan ng mga tour guide ang nasabing banga kung saan ito dati nakapuwesto kaya nagpasya silang ipaalam ito sa mga kinauukulan. Agad-agad naman itong inaksyunan ng pamahalaan.
“Pinuntahan namin to check. At nakumpirma namin na talagang wala na doon sa kaniyang puwesto iyong burial jar. Buti na lang ay hindi isinama ‘yung dalawang bangang natitira,” sabi ng Tourism Officer ng Sagada na si Robert Pangod.
Ayon kay Pangod, itinuturing na kayamanan ng mga taga-Sagada ang mga burial jar sapagkat dito nakalagak ang kanilang mga ninuno kasama ng mga mahalagang ari-arian ng mga ito. Dagdag pa niya, hanggang ngayon ay mayroong pa ring ilang residente ang naglilibing sa ganitong paraan.
Ang nawawalang banga

Sinasabing gawa pa raw sa Chinese porcelain ang nawawalang burial jar at marahil isang sanggol ang inilagak dito, batay na rin sa sukat nito.
Ayon sa mga nakatatanda sa Sagada, tatlong porselanang banga na lamang ang natitira sa kanilang kuweba. At sa kasamaang palad, ninakaw pa ang isa rito.
“It was an imported jar. Galing ito sa coastal area. It was brought by the Chinese pirates noon,” paglalahad ni Jaime Dugao, isa sa mga nakatatanda sa Sagada.
Kaya ganito na lamang ang galit ng mga residente at pagbabanta pa ni Dugao, maaaring may dumapong masamang kapalaran sa kung sino man ang kumuha ng nasabing banga.
“Remember, that's a coffin. May patay diyan na nakalagay na dapat irespeto at alagaan. Parang murder din ‘yan kasi bakit mo kinuha ‘yung bangkay namin. Nakakatakot pa riyan baka maghiganti kung mayroong kamag-anak ang nakalagak diyan,” aniya.
Ang salarin
Tinatayang higit sa 100 ang mga tradisyunal na libingang nakakubli sa loob ng iba’t ibang kuweba ng Sagada. Bagama’t bukas sa mga turista ang Balangaan Cave, bihira lang ang mga pumapasok dito dahil kailangan mo pang maglakbay ng halos isang oras mula sa bayan. Malaking pagsubok din ang pagpasok sa loob ng kuweba dahil sa madudulas at matutulis na bato na madadaanan dito.
“Hindi naman nababantayan ‘yung kuweba eh. Noon, walang ganiyan na kumukuha. Ngunit sa pagdating ng commercialism sa Sagada, marami na ang nawawala,” giit ni Dugao.
Paniniwala ng Lokal na Pamahalaan ng Sagada, tila napagplanuhan ang panloloob sa Balangaan Cave.
“Nakalagay pa [ang banga] sa tuktok ng mga bato. Mahirap siyang kunin and it’s very dangerous kaya skilled ang kumuha nito,” kuwento ni Pangod
Ngunit para kay Dugao, imposible naman din daw na taga-Sagada ang salarin.
“We don't have any suspect. But for sure hindi taga-rito ang gumawa niyan kasi alam nilang bawal at may respeto sila sa mga ganiyan.”
Dagdag pa niya, tanging mga antique shop lang ang maaaring magkaroon ng interes sa kanilang natatagong yaman.
“Saan pa pupunta? For sure nasa antique shop na iyan. Sila lang naman mag-iinteres sa ganiyan dahil alam nilang may commercial value iyan kapag kanilang ibebenta,” ani Dugao.
Paalala naman ng Lokal na Pamahalaan ng Sagada, maaaring makulong sa paglabag ng Republic Act No. 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009 ang sino mang mapatunayan na kumuha ng burial jar.
Respetuhin ang Sagada
Dahil dito, nanawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Sagada sa mga bumibisita sa kanilang bayan pati na rin sa mga residente na sana ay respetuhin ang mga sagrado nilang lugar at huwag naman sanang kunin ang kanilang mga natitirang yaman.
“Sana respetuhin ‘yung kultura namin at sana tulungan naman nating maipreserba ang aming lugar upang ito ay maibahagi pa namin sa nais masilayan ang aming bayan,” pakiusap ni Pangod.---BMS, GMA Public Affairs
Mapapanood ang Brigada tuwing Martes, 8:00 PM sa GMA News TV. Para sa karagdagang impormasyon sa programa, sundan kami sa Facebook at Twitter. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs