Pagkawala ng Pinoy Komiks, tatalakayin sa 'Brigada'
“Laro Tayo!”

Kung ngayon hindi magkamayaw ang mga kabataan sa pagdownload ng latest apps at games sa kani-kanilang mga cellphone at tablet, dati solb na sa simpleng mga larong Pinoy ang mga kabataan sa tuwing magtutumpukan sa mga lansangan. Bagamat nakatutuwang isipin na ang kaligayahan noon hindi nangangailangan ng wifi, baterya, o kung anumang gadget. Tila nakalukungkot din na ang mga kinahiligang luksong tinik, patintero, at piko ay hindi na nilalaro ng mga kabataan ngayon. Muling sinariwa ni Bam Alegre ang mga pumatok na larong Pinoy kasama ang ilang mga batang ni minsan hindi pa nasubukang maglaro nito.
“Baby Factory”

Ikinabahala ng maraming ina ang balitang ililipat na raw ang pinakaabalang paanakan sa Maynila... ang Dr. Jose Fabella Memorial Hospital. Ang abot kayang gastusin sa panganganak, na kung minsa'y nalilibre pa, baka raw kasi hindi na maging abot kamay para sa maraming mga mahihirap na nagdadalang tao. Depensa naman ng Department of Health o DOH, lubhang peligroso na raw kasi ang lumang gusali ng Fabella para sa kanilang mga pasyente. Siniyasat ni Victoria Tulad ang nakaambang kapalaran ng tinaguriang "baby factory" ng bansa.
“Pinoy Komiks”

Bukod sa pang-aliw... malaking tulong ang mga Pinoy komiks noong araw para sa mga Pilipino. Dahil mura ang arkila at abot kaya ng masa... ang marami nating mga kababayan, sa komiks natutong magbasa. Kaya naman ang iba't ibang mga bidang karakter ng mga Pinoy komiks ay talaga namang minahal ng madla at naging bahagi na ng ating kultura. Pero sa paglipas ng panahon, unti-unting kumupas ang kasikatan ng Pinoy komiks dala na rin ng pag-usbong ng teknolohiya. Ang resulta... marami sa mga karakter na ito at maging ang komiks mismo ay hindi na kilala ng kasakukuyang henerasyon. Naglakbay sa nakaraan si Cesar Apolinario sa pamamagitan ng mga pahina ng mga hindi malilimutang Pinoy komiks.