Kondisyon ng isang 'Butterfly Child,' tatalakayin sa 'Brigada'
BRIGADA
JUNE 20, 2017
8 pm sa GMA News TV
BUTTERFLY BABY
Masayahing bata ang isang taong gulang na si Baby Mirachael. Pero ang kanyang mga ngiti, agad napapalitan ng sakit sa tuwing nagpapalit siya ng damit o kahit pa napaliliguan lang ang kanyang katawan ng tubig. Ito’y dahil sa pagkakaroon niya ng epidermolysis bullosa, isang rare genetic disease kung saan kusang natutuklap at nababakbak ang kanyang balat, dahilan para maging napakasensitibo nito at kusang nagsusugat. Walang lunas ang kondisyong ito, kaya naman tila araw-araw na kalbaryo ang buhay ni Baby Mirachael at ng iba pang butterfly baby sa bansa. Nasaksihan ni Pia Arcangel kung paano pinipilit na maging matatag ni Baby Mirachael at ng kanyang buong pamilya.
BACK TO SCHOOL SI TATAY
Kasabay ng milyun-milyong mga estudyanteng nagbalik-eskwela ngayong Hunyo, back to school na rin ang tatlumpu’t taong gulang na si Tatay Redentor. Hindi naging hadlang ang kanyang edad para magpatuloy siya sa kanyang pag-aaral. Kasalukuyan siyang nasa ikaapat na taon sa kursong Education sa Ramon Magsaysay Technological University sa Sta. Cruz, Zambales kung saan nagiging kaklase pa niya ang panganay niyang anak na kapareho din ng kinukuha niyang kurso. Sinamahang mag-back to school ni Tricia Zafra sa pinapasukan niyang eskwelahan si Tatay Redentor.