Kwek-kwek girl, makakatikim ng make-over mula sa 'Day Off'

Pagkatapos sumikat nina Carrot Man at Cabbage Man, may isang bagong superstar na namang nag-invade ngayon sa social media--si "Kwek-kwek Girl." Sino kaya ang mahiwagang babaeng ito na dahil sa kanyang kasipagan at taglay na kagandahan ay patuloy pa ring viral sa internet ang mga larawan?
Kilalanin ang Kwek-kwek Girl na si Precious Gem Layug. Ang natural na ganda ng tubong Olongapo City na si Gem ang kanyang naging pambato para makahakot ng sixteen thousand likes sa internet ang larawan kung saan nagbebenta siya ng kwek-kwek. Sa edad na dalawampu't dalawa, maagang nakapag-asawa si Gem at ngayo'y may isang tatlong taong gulang na anak na lalaki. Dahil hindi raw sapat ang kinikita ng kanyang asawa na isang medical representative, napag-isipan ni Gem na magtinda ng kwek-kwek para makatulong sa pamilya. Bukod sa pag-aalaga sa anak at pag-aasikaso sa asawa, kinarir na rin ni Gem ang pagtitinda kaya halos napapabayaan na raw ni Gem ang sarili.
Kaya naman magtutulung-tulong ang Day Off beauties na sina LJ Reyes, Dasuri Choi, at Maey Bautista para sa operation balik-alindog ni Kwek-kwek Girl!
Kasama si Maey Bautista, isang bonggang makeover ang haharapin ni Gem sa araw na ito. Mapapalaban din siya sa kainan sa isang hot pot buffet restaurant. Sasabak din siya sa isang personality development training at rarampa sa isang pictorial. Kakayanin kaya ni Gem ang transformation challenge sa kanyang Day Off?
Samantala, makikipagbakbakan naman sina LJ at Dasuri sa trabahong naiwan ni Kwek-kwek Girl. Mula sa paglilinis ng kulungan ng pugo, pagkuha ng itlog nito, pagbabalat, pagluluto at pagbebenta ng kwek-kwek ay mararanasan ng dalawa. LJ versus Dasuri, sino kaya sa kanila ang mananalo sa labanang ito?
Sundan ang pakikipagsapalaran ng Day Off Winner na si Kwek-kwek Girl ngayong Sabado, 6:15PM sa GMA News TV!