Bakit kaya napahanga si Julie Anne San Jose sa magtutubang ito ng Batangas?
Airing date: April 18, 2015
Ang tuba ay nanggagaling sa katas ng puso ng mga puno ng niyog at sa pamamagitan ng fermentation ay nagiging lambanog o suka.
Para bumilis ang pag-harvest ng tuba, tumatawid ang mga magtutuba sa mga kawayang tulay na nasa tuktok ng matataas na puno. Nakalulula, madulas, at manipis ang mga tawirang ito at siguradong buwis buhay. Nakasanayan na sa probinsiya na ang trabahong ito ay ginagawa lang ng matitipunong lalaki.

Pero ibahin n’yo ang Day Off winner ngayong Sabado. Kung sa palakasan ng bisig, patibayan ng loob, at pabilisan sa pag-akyat ng puno, siya’y hinding hindi magpapahuli! Kilalanin natin ang tagapagtayo ng bandera ng mga kababaihan na si Gina Dequino, ang natatanging babaeng magtutuba sa San Juan, Batangas.
Labintatlong taon si Gina nang magsimula siyang magtrabaho sa plantasyon ng niyog. Nang magkapamilya, dito na siya napilitang umakyat sa mga puno ng niyog para mangolekta ng tuba.
Para makatulong sa asawa na isa ring magtutuba, araw-araw na inaakyat ni Gina ang mga puno ng niyog na may tinatayang dalawampung talampakan ang taas bawat isa. Araw araw kailangan niyang gumising ng alas singko ng umaga dahil nasa limampung puno ng niyog ang kailangan niyang akyatin.

Ngayong Sabado sa Day Off, all the way to the top of the coconut trees ng San Juan, Batangas ang biyahe nina Julie Anne San Jose at Maey B.para humalili sa trabaho ni Ate Gina! Kayanin kaya nilang dalawa ang umakyat sa puno ng niyog at tumawid sa maninipis at marurupok na tawirang kawayan para makapangolekta ng tuba?
Abangan ‘yan sa Sabado, April 18, 6:10PM sa number 1 news channel sa bansa---GMA News TV!