ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga inabuso at inabandonang aso at pusa, tampok sa 'Reel Time'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

 


Bakas pa rin ang pilat sa katawan ni Braveheart na natamo niya nang banlian ng mainit na tubig para itaboy. Biktima naman si Winter ng hit and run na dahilan para maputol ang isa niyang paa.

Sina Braveheart at Winter ay dalawa lamang sa halos 170 pusang nailigtas at inaalagaan ngayon ng Philippine Animal Rescue Team o PART, isang non-government animal shelter. Kasama din ng halos 170 pusa sa PART ang mahigit 100 pang mga inabandunang aso na naghihintay ng mga taong mapagkalinga at mapagmahal na mag-aampon sa kanila.

Habang naghihintay na may mag-ampon sa kanila, isa si Rachelle sa mga volunteer sa PART na nag-aalaga sa kanila. Hindi na siya bumalik sa pagiging domestic helper sa Hong Kong para alagaan ang mga inabanduna at pinagmalupitang hayop.

Sa daan-daang hayop sa PART, may pitong kapapanganak lang na mga kuting ang tinututukan niya ngayon. Natagpuan niya ang mga kuting sa isang supot na iniwan sa tapat ng kanilang bahay. Ang isa sa kanila ay bulag na at halos lahat ay nanghihina. Dahil nawalay sa kanilang inang pusa, kritikal ang kalagayan ng mga kuting na ito at kung hindi matututukan, maaaring hindi sila makaligtas.

Sa city pound naman ng Valenzuela, pitong aso ang nakalinya para sumailalim sa euthanasia o mercy killing. Hindi na raw pa kaya ng gamutan ang kanilang taglay na mga sakit kung kaya't banta na rin sila sa kalusugan ng komunidad. Patakaran din ng pound na kapag lumagpas sa tatlong araw at walang tumubos o umampon sa kanila, ililinya na sila para 'patulugin.'

May magliligtas kaya sa kanila sa deathrow? Maging matagumpay kaya si Rachelle sa pagligtas sa mga kuting? May mga aso at pusa bang makakauwi sa isang bagong pamilya?

Alamin ngayong Linggo sa Reel Time presents "Adopt A Pet," 9 PM sa GMA News TV!

Tags: prstory