Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga multo sa barrio, tutuklasin sa 'iJuander'



Dito sa bayan ni Juan, may mga baryo raw na hindi lang tao ang nananahan, kundi maging mga aswang at espiritu? Sa ikalawang bahagi ng I Juander Buwan ng Kababalagahan Horror Special, ito ang iimbestigahan nina Susan Enriquez at Cesar Apolinario.


Sa bayan ng Ternate, Cavite, may isang baryo raw kung saan ang mga residente, pawang mga aswang. Sa pagsasaliksik ng I Juander team, nakilala nila ang tatlong magkakaibang tao na may kanya-kanyang nakapangingilabot na kuwento tungkol sa naturang “baryo aswang.” Ibig sabihin kaya, hindi lang ito likha ng malikot nilang imahinasyon?


Sa Bulacan naman, may dalawang subdivision na pugad umano ng mga espiritu at elemento. Sa Rosaryville sa bayan ng Guiguinto, talaga namang mapapadasal daw ang sinumang pagpapakitaan ng white lady na gumagala umano rito.


Sa Doña Cristina Homes naman sa Plaridel, Bulacan, isang kakaibang nilalang daw ang madalas din nagpapakita. Ang binansagan nilang lalaking itim na nakunan pa umano ng litrato.


Ano kaya ang katotohanan sa likod ng mga kuwentong ito? Kayanin n'yo rin bang manuod mag-isa ngayong Miyerkules? Tutok na sa part two ng I Juander Buwan ng Kababalagahan Horror Special alas-otso nang gabi sa GMA News TV.