Noche Buena ng 2016 newsmakers, tampok sa 'iJuander'
Sa taong ito, ilang mga personalidad ang gumawa ng ingay sa bayan ni Juan--- sa mundo man ng pulitika, showbiz at maski sa larangan ng sports. Sa espesyal na pagtatanghal ng I Juander, makakasama nina Susan Enriquez at Cesar Apolinario ang ilan sa kanila para sumalang sa mainit na usapan --- at sa lutuan?

Isa sa pinaka inabangan ngayong taon ay ang pagbubukas muli ng kaharian ng Encantadia! Labingisang taon ang nakalipas bago magbalik telebisyon ang fantaseryeng ito. Ilang beses din itong nag-trending sa social media. Ang isa sa pinakabagong bida dito ay si Sanya Lopez bilang si sang'gre Danaya. Pero bukod sa pagganap bilang sang'gre, pangarap din pala ni Sanya na maging isang chef.

Naging laman ng mga usap-usapan sa social ang sexy singer na si Mocha Uson dahil sa kanyang makukulay na kumento patungkol sa pulitika. Totoo nga kayang binigyan siya ng pangulo ng posisyon sa gobyerno? At totoo kayang galit sya sa mga taga-media?Sasagutin daw 'yan ni lahat ni Mocha, pero bago kayo mag-comment sa kanyang mga isasagot i-like at mapupusuan nyo kaya ang handa niya sa Noche Buena? Ang kanyang lulutuin --- mga panghimagas na siyempre mocha flavor!

Nag-ingay din sa taong ito ang koponan ng Barangay Ginebra. Dahil sa wakas, makalipas ang walong taon sa kangkungan, nakatikim din sila ng kampeonato. Pero dahil katatapos lang ng season, hindi raw muna sa hardcourt magpapasikat ang manlalaro nilang si Japeth Aguilar, kundi sa kusina! Champion din kaya ang kanyang magiging handa sa pasko?
Ngayong Miyerkules, bubusugin namin kayo ng mga handa ng mga sikat!. Abangan sila at ang mga ihahanda nilang pa-Noche Buena sa I Juander, alas-otso nang gabi sa GMA News TV.
