Christmas special ngayong Miyerkules sa "iJuander"
Sinasabing Pilipinas ang bansang may pinaka mahabang selebrasyon ng Pasko. At kasabay ng pagdiriwang nito, ay ang pagsagot ng I Juander sa ilang mga katanungang may kinalaman sa okasyong ito.

Kapag nalalapit na ang Pasko, tila kabuteng nagsusulputan ang mga nagtitinda ng bibingka at puto bumbong. Pero kailan at kanino nga ba natutunan ni Juan ang pagluluto nito? Si Susan Enriquez, sasariwain ang kabataan niya bilang tindero ng puto bumbong. Si Cesar Apolinario, susubukan din ito.

Pagdating naman sa mga tradisyon – maraming sinusunod si Juan tuwing Pasko. Ilang linggo pa nga lang bago sumapit ito, nagkakapalitan na ng regalo. At dapat may tema. Ang tawag dito, monito-monita. Pero saan kaya nanggaling ang tradisyong ito – pati na rin ang nakagawian ni Juan na pangangaroling?

Tradisyon din ng mga Pilipino ang pagkumpleto sa Simbang Gabi. Pero paano kung ang nagmimisa raw ---paring pugot ang ulo? Bakit nga ba maski ang Pasko, nababahiran din ng kababalaghan?

Talaga namang Christmas is in the air na. Kaya ngayong Miyerkules, tumutok na sa Christmas Special ng I Juander, alas-otso nang gabi sa GMA News TV.