'Matamis na Pangarap' dokyu special, ngayong Miyerkules sa 'I Juander'

Sa edad na onse anyos, mulat na sa pagtatrabaho si Jordan. Kasama ang amang si Mang Robert, malayo ang nilalakbay nila kada araw, tumatawid ng ilog, umaakyat ng kabundukan at sinusuyod ang kagubatan. Ang pakay ng mag-ama, ang mangalap ng pulot para ibenta. Kahit makipaghabulan sila sa mga bubuyog, hindi nila ito alintana. Sa kabila ng kahirapan, hindi bumibitaw si Jordan sa pangarap niya na maging isang doktor.

Ang magkapatid naman na Jojo at Jobin, paggagapas ng tubo ang ikinabubuhay. Kapalit ng maliit na halaga, araw-araw nilang tinitiis na mabilad sa mainit na sikat ng araw. Ang musmos nilang pangangatawan, nababatak din sa pagpasan ng mga nagapas nilang tubo. Pero sa kabila nito, nagagawang pagsabayin ng magkapatid ang pagtatrabaho at pag-aaral.

Hanggang saan nga ba ang kaya nilang isakripisyo, para lang matupad ang matamis nilang mga pangarap? Samahan sina Susan Enriquez at Cesar Apolinario na alamin ang kahanga-hanga nilang kuwento, sa I Juander ngayong Miyerkules, alas-otso nang gabi sa GMA News TV!
