Summer getaway destinations, ngayong Miyerkules sa 'I Juander'

Walong hektaryang resort sa Laguna, hotel na may kanya-kanyang swimming pool sa kuwarto, at isang floating glamping site sa Bulacan!
Para sa mga naghahanap ng quick summer getaway, hindi na kailangan magpakalayo-layo pa. Dahil ang pinuntahan nina Susan Enriquez at Cesar Apolinario, mga pasyalang ilang oras lang ang layo sa Maynila.

Sa bayan ng Lumban sa Laguna, isang napakalawak na resort ang dinayo ni Cesar kasama ang kanyang pamilya. Bukod sa kanilang mga wave pool, mayroon din ditong ga-higanteng slide na pitumpung talampakan ang taas, free fall na sintaas ng limang palapag na gusali, at ang paboritong activity ng pamilya at barkada, ang Earth Ball na parang volleyball pero ga-higante ang bola!

Sa Batangas naman, yayamanin ang peg ng isang boutique hotel. Bukod kasi sa sosyal nitong disenyo, retinal scan din ang ginagamit para makapasok sa kuwarto, na may kanya-kanya ring swimming pool sa loob. Private kung private!

At dahil uso ngayon ang glamping o glamorous camping, ang pauso ng isang adventure resort sa Bulacan, ang floating glamping site. Bukod dito, marami pang water activities ang puwedeng ma-enjoy ng mga bakasyunista.

Kaya tara na't maki-#summerfeels ngayong Miyerkules sa I Juander, alas-otso nang gabi sa GMA News TV!