Pamamahala ng pamilya Fua sa Siquijor
Investigative Documentaries ANG PAMILYA FUA SA ISLA NG SIQUIJOR Airing date: February 23, 2012 Sa nakalipas na dalawampu’t limang taon, iisang angkan ang namayani sa politika ng Siquijor. Ito ang pamilya Fua, na siyang mayhawak pa rin ng mahahalagang posisyon sa lokal na pamahalaan. Sa kasalukuyan, hindi bababa sa limang miyembro ng pamilya ang nasa puwesto. May gobernador, kongresista, alkalde, board member at Sangguniang Kabataan president. Ang Siquijor ay binubuo ng anim na munisipalidad, lahat ay mahirap. Apat ang fifth class samantalang dalawa naman ang fourth class municipalities. Ayon sa National Statistical Coordination Board, noong 2009, aabot sa 32.8 percent ang poverty incidence sa buong lalawigan. Ibig sabihin, halos apat sa bawat sampung pamilya ang hindi man lang nakakakain nang tatlong beses sa isang araw. Bukod sa kahirapan, malaking problema rin ang health care sa Siquijor. Nag-iisa lang kasi ang ospital sa buong probinsiya. Idagdag pa ang pagiging atrasado ng pasilidad nito. Labing apat lang ang kabuuang dami ng doktor sa buong lalawigan. Kulang din ang supply ng gamot para sa mga pasyente. Patuloy pang lumiliit ang budget para dito. Ang iba tuloy, kahit simpleng sakit lang lumalala at humahantong sa kamatayan. Paano tinutugunan naman daw ng iisang angkan ang mga problema ng Siquijor. Alamin kung sapat ito ngayong Huwebes ng gabi kasama si Malou Mangahas. Manood ng Investigative Documentaries, 8pm sa GMA News TV channel 11.