Trees in the City sa 'Investigative Documentaries'
INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES Trees in the City Airing Date: June 28, 2012 "Ako po ay humihingi ng pahintolot na maputol ang puno sa harap ng nasabing lote pagkat po ito ay patatayoan ng gusali o commercial building at tatamaan po ng puno ang harapan ng nasabing gagawing gusali." Ito ang unang linya ng sulat na naging dahilan ng pagputol sa isang 74-taong puno ng sampaloc sa Tomas Morato. Ang liham, sa sulat kamay ng isang nagngangalang Robert V. Tan, ay natanggap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong February 28, 2012. Mabilis ang serbisyo publiko ng DENR. Ilang araw lang ay ibinigay na ang permit para sa pagputol ng puno sa Morato. Kalagitnaan ng buwan ng Marso, nakahambalang na sa sidewalk ang putul-putol na bahagi ng dating matayog na puno ng sampaloc. Mapaos man ang mga nagpoprotesta, at libong Facebook comments man ang masulat, wala nang silbi ang mga ito dahil nabawasan na naman ang puno sa Morato. Ayon kay Manoling Morato, kabilang ito sa mga itinanim noon ng magkakaibigang sina dating Pangulong Manuel Quezon, Quezon City Mayor Tomas Morato, at journalist Alejandro Roces. Ito raw ang dahilan kung bakit Sampaloc Avenue ang dating pangalan ng kalye Morato. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit sa buong bansa, ang Metro Manila ang may pinakamaliit na forest cover. Mahigit apat na porsyento na lang ng buong land area nito ang may nakatanim na puno. Sa datos ng DENR, higit apat na libong puno ang pinahintulutang putulin o ilipat ng kinatitirikan noong nakaraang taon. Bakit ito pinahihintulutan ng gobyerno at sino ang dapat managot? Alamin ang sagot sa Investigative Documentaries kasama ang beteranang investigative journalist na si Malou Mangahas sa Huwebes, ika-walo ng gabi sa GMA News TV Channel 11.