Laho: Mga Nawawalang Mahal sa Buhay sa 'Investigative Documentaries'
Noong panahon ng Martial Law, daan-daang tao ang nawala. Di na nalaman kung ano ang naging kapalaran nila, at kung pinatay man ay wala man lang mapagtitirikan ng kandila ang mga kamag-anak nilang naiwan. Sa panahong ito na may demokrasya at kalayaan na, marami pa rin ang nawawala. May mga nakikitang bangkay na wala namang bumabawi, at kadalasan ay taon ang binibilang sa mga morgue. Pero mayroon pa ring di na talaga nakikita.
Paano ba ang proseso ng paghahanap kapag ang isang tao'y nawala? Sino ang nilalapitan? Sino ang kumikilos? Sa pagsisiyasat ng Investigative Documentaries, ito ang lumilitaw: walang tala ang Philippine National Police (PNP) o kahit aling ahensiya ng gobyerno kung ilan ang mga taong nawawala. Lumilitaw rin na walang ibang aasahan ang mga naghahanap kundi ang kanilang sariling diskarte. May dumudulog sa istasyon ng radio at telebisyon. May sumusubok magpaskil ng anunsiyo sa poste at pader. May gumagamit ng social media. Ang iba pati pagpapahula ay sinusubukan.
Kilalanin natin ang ilan sa mga taong patuloy na naghihintay na minsan sa pagsagot nila sa katok sa kanilang pinto ay mabubungaran na ang kanilang matagal nang hinananap na mahal sa buhay. Manood ng "Investigative Documentaries" kasama ang beteranang investigative journalist na si Malou Mangahas ngayong Huwebes, ika-walo ng gabi sa GMA News TV Channel 11.