Ang buhay ng nangungupahan sa 'Investigative Documentaries'
Matapos ang pagkain at damit, ang bahay ang susunod na prayoridad ng tao para mabuhay. Sa ating bansa, tinatayang apat na milyong pamilya ang umuupa ng bahay. Pero hindi laging pera ang katumbas ng masisilungan at matutulugan kapag gabi. May mga nakatira sa sementeryo kapalit ng pagbabantay sa mga musuleo. May nagtitiis sa jeep, pedicab, at mga sira-sirang gusali bilang pabor o serbisyo. Sa mga middle class naman, nariyan ang apartment sa mas tahimik na lugar. At sa mga nasa mataas na antas ng pamumuhay o kaya ay nagtatrabaho para sa multinational na kompanya, ang P200,000 ay isang buwang renta lang. Patunay na sa ating bansa, ang lalim ng bulsa ang nagdidikta ng uri ng bahay na ating uuwian. Kung ikaw ay umuupa, alam mo bang sa ilalim ng National Building Code, may tamang sukat ng pinto, hagdan at bintana na dapat masunod sa mga paupahang bahay? Pati taas ng kisame at lawak ng sahig ay nakadetalye rito. Ano ang karapatan ng mga nagpapa-upa at nangungupahan? Lahat iyan, sasagutin sa episode na "Renta" ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, ika-walo ng gabi sa GMA News TV Channel 11 kasama ang beteranang investigative journalist na si Malou Mangahas.