ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga isyung Pinoy sa 'Investigative Documentaries'


Sa taong ito, iba't ibang social issues ang aming tinalakay, mga mahahalagang problema na dapat ay mabigyan ng atensyon at solusyon.   Nariyan ang kawalan ng sistema sa paghahanap ng tao kapag ang isang kamag-anak o kaibigan ay nawala.  Wala silang matakbuhan dahil walang ahensiya ng gobyerno na tumututok para maghanap ng mga nawawala.   Itinampok din namin ang mga matatandang bilanggo na inaabutan na ng kamatayan sa loob ng kulungan sa paghihintay sa kanilang kalayaan. Mabagal kasi ang proseso para mapalaya ang mga presong may sakit at may edad na.   Nasaksihan natin ang hirap na dinaranas ng mga taong pumipila ng napakahaba para humingi ng tulong sa iba't ibang ahensiyang nagbibigay ng tulong-pinansiyal. Marami kasi ang walang pera pampagamot ng kanilang mga kaanak na may karamdaman.   Naging mulat tayo sa sitwasyon ng mga katutubong nanganganib mawalan ng sariling lupa sa kabila ng kanilang karapatan sa lupaing kanilang pag-aari. Sa pangunguna ng beteranang investigative journalist na si Malou Mangahas, muling balikan ang mga isyung tinalakay natin sa Investigative Documentaries sa deretso alas-otso ng GMA News TV Ch. 11!