ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Bonus ng ilang mga GOCC, siniyasat ng 'Investigative Documentaries'


INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES: BONUS
Airing date: December 5, 8:00 PM, GMA News TV




Kapag bonus ang usapan, di maiwasang mayroong sasama ang loob. Mayroon kasing napagkakaitan nito, mayroon namang nakakalula ang nakukuha tuwing Disyembre.  

Sa kanyang State of the Nation Address noong 2010, pinuna ni Pangulong Aquino ang aniya ay nakaiiskandalong bonus ng mga opisyal at manggagawa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS.  Aniya, sa P211 million, 66% ay napunta sa bonus at benepisyo. 

Noong 2011, itinalaga ni Pang. Aquino si  Gerardo Esquivel bilang hepe ng ahensiya. Isa sa mga campaign donors ng pangulo si Esquivel. Pero sa halip na tumahak sa tuwid na daan, ayon sa Commision on Audit (COA), tila nalihis ng landas ang MWSS.

Ayon sa 2012 na report ng COA, mahigit P51 million ang napunta sa allowance at benepisyo ng mga taga-MWSS, na hindi naman aprubado sa budget nito at ni Pangulong Aquino.  Bukod pa rito, P10.62 million ang napunta sa rice at meal allowance ng MWSS, pero P100,000 lang dapat.

Nasa Government Service Insurance System o GSIS naman ang opisyal na may pinakamataas na sahod at bonus sa lahat ng GOCC noong 2012. Ang presidente at general manager nito na si Robert Vergara ay tumanggap ng P16.36 million na sahod at halos P5 million na bonus. Ang mga direktor naman ng GSIS ay may natanggap na P128,000 kada buwan kung dumadalo sa mga pulong ng board.

Ang SSS o Social Security System ay class A na GOCC o Government-Owned and Controlled Corporation. Mahigit apat na libong empleyado ng ahensiya ang binigyan ng Performance Based Bonus o PBB na umaabot ng P276 million. Bawat isa naman sa pitong board of directors ng SSS ay may bonus na hindi bababa sa isang milyong piso.

May problema sa pera ang SSS kaya naman sa pagpasok ng 2014 ay magtataas ng singil sa mga miyembro ang ahensiya. Marami rin ang reklamo laban sa pamunuan nito. Umabot sa halos 60,000 kliyente ang nagreklamo noong 2012 sa serbisyo ng SSS, ayon sa GCG.

Makatuwiran ba ang malaking bonus na natatanggap ng mga GOCCs? Sulit ba ang pabuyang ibinibigay sa kanila. Abangan ang buong kwento sa Investigative Documentaries, kasama ang Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas ngayong Huwebes sa GMA News TV channel 11.