Filtered By: Newstv
NewsTV

Corregidor: Gumuguhong alaala ng kasaysayan


Isang historical landmark ang Isla ng Corregidor dahil sa mahalagang bahagi nito sa kasaysayan ng bansa. Susi ito sa pagbagsak at kinalauna’y paglaya ng Pilipinas, kasama ng mga tropang Amerikano, mula sa kamay ng mga Hapon noong World War II.
 
Ang siyam na raang ektaryang lupain na ito ang nagsilbing himpilan ng mga Amerikano rito sa Pilipinas. Ang Corregidor din ang pinakahuling base militar sa Asya Pasipiko na nananatiling nakatayo matapos ang digmaan.

 
Pero ang iniwang pamana ng kasaysayan, unti-unti na raw gumuguho. Hanggang ngayon, bakas pa rin ang pagkasira ang makikita sa Corregidor. Pero hindi na lamang ito dahil sa giyera, kundi dahil na rin sa ating kapabayaan.
 
Sinariwang alaala
 
Bukod sa pagiging historical landmark, isa na rin ngayong sikat na tourist destination ang Corregidor. Taon-taon, umaabot ng halos 70,000 turista ang bumibisita sa lugar.
 
Isa na rito ang 91-anyos na war veteran na si Col. Romeo Castro, na kamakailan lang ay bumisita sa Corregidor. Unang beses niya raw nabisita ang lugar noong 2012, halos 70 taon matapos ang World War II. Para sa kaniya, sariwa pa rin ang malagim na alaala ng giyera. At hindi niya maiwasang maging emosyonal habang binabalikan ang nakaraan.
 
Kuwento niya, isa siya sa mga nakasamang makapunta sa Corregidor matapos bumagsak ang Bataan sa kamay ng mga puwersang Hapon. At pagdating sa Corregidor, sa Malinta Tunnel sila nagtago.

 
Bomb-proof ang Malinta Tunnel at isa raw ito sa pinamakatibay na istruktura sa Corregidor. Nagsilbi ang lugar bilang opisina nina dating Pang. Manuel L. Quezon at Gen. Douglas MacArthur. Naging headquarters din ito ng mga sundalo at nagamit bilang ospital noong giyera.
 
“Sampu lang kaming nakapunta rito noon galing ng Bataan. Kung hindi kami nakatakbo rito, nasama kami sa Death March. Baka patay na ako ngayon,” paglalahad ni Col. Castro.
 
Nang lumaon, sumuko rin ang mga tropa sa Corregidor sa mga Hapon. Mula Corregidor, inilipat sila sa Maynila at ikinulong sa Capas, Tarlac. Sa huli, nakaligtas si Col. Castro sa giyera.
 
Matapos sariwain ang nakaraan, sinabi ni Col. Castro na hindi niya alam kung makakabalik pa siyang muli sa lugar. Pero sa puso at isip niya, mananatiling buhay ang kasaysayan ng Corregidor.
 
Napabayaang pamana
 
Halos pitong dekada makalipas ang World War II, bakas pa rin ang mukha ng giyera sa Isla ng Corregidor.
 
Naroroon pa rin ang mga kanyong nagsilbing depensa sa mga kalaban. Nakatayo pa rin ang mga istrukturang tulad ng mga naging tahanan ng mga sundalo at ang gusali ng ospital.  At gumagana pa rin ang Tranvia bus, pero hindi na ito sa riles dumadaan kundi sa kalsada.
 
Pero ang mga markang ito ng nakaraan, nanganganib nang mawala. Ang ilan kasing istruktura sa isla, tila napabayaan na.
 
Tulad na lamang ng mile-long barracks, na minsan din itinuring na pinakamahabang military barracks sa buong mundo. Nagsilbi itong kanlungan ng mga sundalong Amerikano noong panahon ng digmaan.

 
Ngayon, larawan na ang barracks ng pagkawasak – hindi dahil sa giyera, kundi dahil sa kakulangan sa pag-aalaga.
 
Sa isang video ns ipinakita ng Corregidor Foundation Inc. (CFI) sa programang “Investigative Documentaries,” makikitang tuluyan nang nasira ang ilang bahagi ng gusali. Madalas na raw ang pagguho ng mga istruktura sa lugar dahil na rin sa masungit na panahon.
 
Bukod sa kalunos-lunos na kalagayan ng mile-long barracks, tila nilamon naman ng puno ang senior officers barracks. Maging ang ospital, mahina na rin ang sahig ng ikalawang palapag. Napupuno na rin ng bandalismo ang mga pader doon.
 
Ayon sa CFI, nangangailangan na rin ng atensyon ang Fort Mills Post Headquarters at ang chapel. Minsan daw itong naging opisina ni Gen. Douglas MacArthur.
 
Kung tutuusin, protektado ng Rep. Act 10066 o Heritage Law ang Corregidor dahil isa itong historical landmark. Ayon kasi sa Heritage Law, lahat ng istrukturang mahigit 50 taon pataas, dapat inaalagaan ng pamahalaan. Pero sa ngayon, hindi raw ito prayoridad ng ating gobyerno.
 
Pasahan ng responsibilidad
 
Ayon kay Arch. Ma. Luisa Valerio, Restoration Architect ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), responsibilidad na raw dapat ng Corregidor Foundation Inc. (CFI) ang pangangalaga sa isla. Ang CFI ay isang pribadong organisasyong inatasan ng pamahalaan na mangasiwa sa lugar.
 
Pero nanindigan si CFI Exec. Dir. Artemio Matibag na bagama’t ang organisasyon ang nangangalaga at nagpro-protekta sa lugar, wala sa mandato nito ang i-preserba ang mga istruktura rito.
 
Sa kita lamang daw mula sa mga turista kumukuha ng pondo ang CFI.  At minsan, hindi pa raw ito sapat para tugunan ang operating expenses ng organisasyon. Noong 2014, umabot lamang sa P1-milyon ang kita ng CFI.
 
Sa taya ng CFI, aabutin ng P20-milyon ang kailangang pondo para sa pagsasaayos para lamang sa isang gusali, depende sa sira nito.
 
Sa loob ng 28 taon mula nang isaayos ang Isla ng Corregidor, dalawang beses pa lamang daw nakapaglaan ng pondo ang gobyerno para rito. Ayon sa NHCP, hindi raw kasi kayang maglaan agad ng pondo.

 
Noong 2005, nagsagawa ang NHCP ng retrofitting o paglalagay ng suporta sa mga poste at pader ng middle side barracks. Pero ang mga bakal, kinakalawang na rin. Ang ibang sinuportahan ng bakal, gumuho na, at ang ibang bahagi naman ng barracks, nawala na.
 
Bukod dito, isang dekada nang nakabinbin sa NHCP ang program of work para sa pagsasaayos ng mile-long barracks.
 
Nito lamang 2012, ginastusan naman ng Department of Tourism ng P18-milyon ang retrofitting ng Cine Corregidor. Ito ang sinehan ng mga sundalo kung saan huling pelikulang ipinalabas dito ay “Gone with the Wind” noong 1941.
 
Pero hindi sapat ang minsanang proyekto para sa pagpapanatili ng mga istruktura sa Corregidor. Dapat tuloy-tuloy ang pagpopondo ng pamahalaan para dito.

 
Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, hindi malayong dumating ang araw na wala nang makikitang nakatayo sa Corregidor. At ang mga alaala ng ating kasaysayan, tuluyan nang guguho tulad ng mga istruktura rito.---Carlo Isla/BMS