Mga pabuya sa pulis, tatalakayin sa Investigative Documentaries
PABUYA
26 October 2017 Episode

Noong 2016, naglaan ang Office of the President ng mahigit P6 million para sa pabuya o reward. Ito ay napunta sa 30 pulis sa Mindanao.

Isa sa mga pinarangalan ng Pangulo ang OIC ng Kabasalan Police Station sa Zamboanga na si PSINSP Michael Flores Sangual at ang kanyang unit.
Sila raw ang Most Outstanding pagdating sa bilang ng mga naarestong high value target sa iligal na droga. Ang pabuya ay P250,000 . Idineposito ito sa ATM account ni Sangual. Ang pera ay ipinambili raw nila ng mga gamit tulad ng refrigerator, water dispenser at TV ng kanilang istasyon. Bumili rin sila ng uniporme.

Sa bayan naman ng Molave, Zamboanga Del Sur, may 1,760 na drug pusher at user ang sumuko raw sa istasyon ng pulis. Dahil dito ay nakatanggap sila ng parangal at pabuya mula kay pangulong Duterte. Binigyan si PSINSP Herminigildo Bajao Jr. ng P250,000 na ipinasok din sa kanyang ATM account.

Sinu-sino pa ang mga nakatanggap ng pabuya mula sa Pangulo? Alamin iyan ngayong Huwebes sa Investigative Documentaries, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.