Mga batang itinampok ng Investigative Documentaries ngayong taon, kukumustahin
MUSMOS
14 December 2017 Episode

Labing-isang taong gulang pa lang ang patpating si Leslie, siya na ang tumatayong nanay sa apat pa niyang mas batang kapatid. Iniwanan sila ng kanilang ina noong 2015 at hindi na ulit nagpakita. Noong panahong iyon, kalahating taon pa lang ang bunso niyang kapatid.

Sa puyat at pagod ay hindi na nakabawi ang katawan ni Leslie.
Karpintero ang tatay nila at lingguhan kung umuwi. Walang matandang nagbabantay sa mga bata. Higit sa lahat, wala ring gumabay sa kanila para mag-aral.

Umiikot naman sa Binondo at Del Pan ang magkaibigang Marimar at Pacquiao para manghingi ng kanin sa mga karinderya. Para sa kanila ang bawat almusal, tanghalian, at hapunan ay resulta ng maraming oras na hirap. Gumagawa rin si Marimar ng paraan para makapag-uwi ng kanin sa mas bata pa niyang kapatid.

Anim na taon na si Moklo pero mahigit 10 kilo lang ang timbang niya. Kalahati lang ito halos kumpara sa mga kaedad niya. Napilayan daw si Moklo pagkatapos mahulog sa hagdan at hirap na siyang maglakad. Dahil walang pera, hindi siya agad nadala sa doktor.
Alamin natin ang sitwasyon ngayon nina Leslie, Marimar at Moklo pagkatapos maitampok sa programa ang kanilang kwento.
Huwag kaligtaang manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.