Kalagayan ng mga preso sa Sta. Cruz Police Station, aalamin
PIITAN
19 July 2018 Episode
Sa presinto unang dinadala ng pulis ang mga nahuhuling suspek. Dito sila pansamantalang mananatili habang pinoproseso ang kanilang kaso. Sa bagal ng pag-ikot ng sistema ng batas, minsan ay tumatagal ng ilang buwan at minsan ay taon bago pormal na makasuhan ang mga suspek.

Ang resulta; masikip na kulungan. Kaya ang preso kahit hindi pa nahahatulan, para na ring nasentensiyahan sa mararanasan niyang kalbaryo sa loob ng piitan.

Sa Sta. Cruz Police Station sa Maynila, may 133 na detainees para dapat ay 70 katao lang na selda. Labingwalong preso na ang namatay rito mula 2016, pinakamataas sa lahat ng presinto na sakop ng Manila Police District.

Sa halos isang lingong pagtigil ng ID rito, hindi bumaba sa 100 ang mga detainee sa presinto. May selda ring nakalaan para sa mga maysakit. Trangkaso at lagnat ang karaniwang iniinda ng mga nakapiit dito. Mayroon ding hinihika at tinubuan ng pigsa.

Walang pondo ang PNP para sa gamot ng mga maysakit na detainee. Obligasyon ito ng kamag-anak o dalaw. Kung minsan, inaako na rin ng mga pulis ang pamimigay ng gamot. May rasyon kasi ang mga presinto mula sa PNP health services.
Alamin ang sitwasyon ng mga piitan sa bansa sa ikalawang bahagi ng special report ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.