ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Reaksyon ng mga botante sa resulta ng eleksyon, alamin sa ’Investigative Documentaries’


30 May 2019 Episode
 
Sa katatapos lang na eleksyon nitong Mayo, may mga pamilyang dekada na sa pwesto na hindi na nanalo.
 
 
Sa Maynila, tinalo ni Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang incumbent Mayor na si Joseph “Erap” Estrada. Ang anak niyang si Jose “Jinggoy” Estrada, natalo rin sa pagka-senador. Sa sampung miyembro ng pamilya Estrada na kumandidato sa iba’t ibang posisyon sa Metro Manila, dalawa lang ang nanalo.
 
 
Maging sa San Juan City na balwarte ng mga Estrada, natalo rin ang pambato ng pamilya sa pagka-alkalde na si Janella Estrada. Tinalo siya ni Francis Zamora, anak ni Ronaldo “Ronny” Zamora na kasalukuyang kinatawan ng nag-iisang distrito ng San Juan.
 
 
Sa Pasig naman, 27 taon na ang pamilya Eusebio sa munisipyo pero nitong eleksyon, tinalo ng baguhan sa politika na si Victor Maria Regis Sotto si Robert “Bobby” Eusebio bilang mayor ng Pasig City. Dalawampu’t siyam na taong gulang si Vico na mula naman sa kilalang pamilya ng mga Sotto.
 
Kung may nabuwag na mga dinastiya sa Metro Manila, mayroon din namang mga nanatili sa pwesto nitong eleksyon. Mula 1964, hawak pa rin ng mga Aguilar-Villar ang Las Pinas City. Ang Makati City, hawak pa rin ng mga Binay mula pa 1986. Mahigit tatlong dekada na ring hawak ng pamilya Abalos ang Mandaluyong City. Kontrolado pa rin ng pamilya Cayetano ang Taguig City mula pa noong 1984. Sa Pasay City naman, hawak pa rin ng mga Calixto ang pinakamataas na posisyon mula pa noong 1986.
 
Ano ang reaksyon ng mga botante sa resulta ng eleksyon sa kanilang lugar at ano nga  ba ang inaasahan nilang pagbabago mula sa mga naluklok sa pwesto?
 
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.