ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Silipin ang buhay dumpsite sa 'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

MOTORCYCLE DIARIES
BUHAY DUMPSITE
MARCH 7,2013
 
Sakay ng motorsiklo, tinungo ni Jay ang city dumpsite ng Iloilo.  Dito  nakilala ang ilan nating kababayang umaasa sa grasya mula sa basura.    
Mahigit pitumpung taon na si Lolo Imon.  Pero sa kabila ng katandaan, araw-araw siyang namamasura.  Wala na kasi siyang pamilya na maaasahang susuporta sa kanya.  Nasaksihan ni Jay nang kainin ni Lolo Imon ang mga napulot niyang talaba sa dumpsite.  Balewala sa kanya ang maaaring maging epekto nito sa kanyang kalusugan.
 
Si Aling Rose naman dinapuan na ng sakit na pulmonya sa ilang dekada niyang pangangalkal sa bundok ng kalat. Pinagbabawalan na siyang magtungo sa dumpsite ng doktor pero sa kabila nito araw araw pa rin siya namamasura. Kailangan kasi niyang kumita... hindi para sa pambili ng gamot, kung hindi para sa pambili ng makakain ng kanyang mga apo.  
 
Peligro ang naghihintay sa dumpsite tuwing umuulan. Maaari kasing bumuwal ang bundok ng basura anumang oras.    Iba't ibang sakit din ang hatid ng maitim na katas ng basura.  Pero hindi ito hadlang sa mga namamasura tulad ni Mang Nick.  Umulan o umaraw,  patuloy lamang ang pagkalkal sa tambak ng kalat.  Galing pa siya sa Maynila at nakipagsapalaran dito  sa Iloilo.  Ngayon ang bundok ng kalat ang bumubuhay sa kanyang pamilya.  Sa katunayan ang kanyang asawang si Elsie nagtayo pa ng maliit na kainan sa tuktok ng bundok ng basura.  Sa halagang kinse pesos, ang mainit na La Paz Batchoy ni Elsie ang panlaban sa malamig na ulan ng mga namamasura. Para sa mag-asawang Nick at Elsie, patuloy silang magsasakripisyo maitaguyod lamang ang kanilang mga anak.
Tila naman tuluyan ng nilamon ng dumpsite ang pangarap ng ilang kabataan. Sa murang edad na siyam na taong gulang, nagbabanat na ng buto ang batang si Nards.  Pagkagaling sa paaralan, diretso na siya sa dumpsite para magkalkal ng mga kalat na mapapakinabangan pa.  Ang bundok ng basura na rin ang nagsisilbi niyang palaruan.  Pero kung si Nards nag-aaral pa, hindi naman na pumapasok sa eskwela ang trese anyos na si Caloy, sa dumpsite na raw umiikot ang kanyang mundo.
Sa isang paglalakbay sa mundo ng dumpsite, samahan si Jay na kilalanin at alamin ang buhay ng mga taong naninirahan sa bundok ng basura ngayong Huwebes 10pm sa Motorcycle Diaries, sa GMA News TV channel 11!
Tags: plug