ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Team 'Motorcycle Diaries' ni Jay Taruc, lumahok sa Paraw Regatta


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MOTORCYCLE DIARIES
Paraw Regatta Festival! Exotic foods at buhay mangingisda sa biyaheng Ilo-ilo ng Motorcycle Diaries!
March 14, 2013
Ngayong Huwebes, aarangkada na ang Motorcycle Diaries para ikutin ang ikaanim na pinakamalaking isla sa Pilipinas – ang isla ng Panay. Lilibutin natin ang apat na probinsiya ng Panay, mula sa Iloilo, aakyat tayo ng Capiz, tatawid ng Aklan at bababa ng Antique.
 
First stop ng Expedition, ang Iloilo City! Dadayuhin natin ang ipinagmamalaki nitong Paraw Regatta Festival kung saan ating masasaksihan ang makukulay at magagarang layag ng mga bangkang Paraw. At dahil unang beses nating makikisaya sa pistang ito, sasali si Jay at ang Team Motorcycle Diaries sa “Pintalayag,” isang exhibition ng mga makukulay na layag. Siyempre hindi pinalagpas ni Jay ang magdisenyo at magpinta ng layag ng Motorcycle Diaries!
Matapos ang kasiyahan, kasunod na siyempre ang ating masarap na foodtrip! Samahan si Jay na namnamin ang sarap ng pagkaing tatak Iloilo – una na diyan ang ipinagmamalaki nilang La Paz Batchoy! Titikman niya rin at aalamin ang sikreto sa likod ng masarap na Pansit Molo.
 
Pero sa isang bayan sa lalawigan ng Iloilo, may exotic food na hindi mo iisiping kinakain ng mga tao – ang mga paniki! Sa isang bulubunduking barangay sa Igbaras, hinuhuli at niluluto ang isang uri ng paniki. Bagamat ipinagbabawal ang paghuli ng paniki, patuloy pa rin ang ganitong kalakaran para malamnan ang kumakalam na tiyan.
Inaasa naman ng ilang mga residente sa isang barangay ang kanilang kalusugan sa mga surano o babaylan, mga tradisyunal na manggagamot. Dahil sa layo ng pinakamalapit na health center, lalo ng ospital...tanging dasal at halamang gamot ng mga surano ang kanilang sinasandigan tuwing dinadapuan ng karamdaman.
 
Pero sa bayan ng Santa Barbara, isang malubhang sakit na dati’y kinatatakutan at pinandidirihan ang ngayo’y mayroon ng lunas. Sa Western Visayas Sanitarium naninirahan ang mga pasyente ng Hansen Disease o mas kilala bilang sakit na ketong – isang karamdamang unti-unting sumisira at kumakain sa balat at kalamnan. Pero sa sanitarium na ito, karamihan ng pasyente gumaling mula sa sakit na ketong.
Sa isang maliit na isla naman sa bayan ng Ajuy, pinagkakakitaan ng ilang mangingisda ang pagsisid sa dagat para manguha ng ibat ibang klase ng laman dagat. Wala silang gamit o anumang aparato sa pagsisid. Ang nakalulungkot, sa kabila ng mapanganib na gawain, kakarampot lamang ang kanilang kinikita.
 
Angkas na at kumapit ng mahigpit sa unang yugto ng ating Panay Island Expedition ngayong Huwebes 10pm sa Motorcycle Diaries, sa GMA News TV channel 11.