ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
Huling yugto ng Palawan Expedition ni Jay Taruc, aarangkada sa Huwebes
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

MOTORCYCLE DIARIES
PALAWAN EXPEDITION PART 4
AUGUST 01, 2013
Sa huling yugto ng Palawan Expedition makikilala ni Jay ang ilang katutubong walang takot na inaakyat ang pinakamataas na puno sa timog silangang asya, ang puno ng manggis. Tumataas ang manggis ng hanggang dalawandaan at limampung talampakan o singtaas ng 25 palapag na gusali.
Pakay ng mga katutubo sa pag-akyat ang mga ibong pikoy at mynah na nagpupugad sa matataas na puno. Mahigpit na ipinagbabawal ang panghuhuli ng mga ibon pero kung tutuuusin biktima ring maituturing ang mga katutubong kulang sa edukasyon sa iligal na kalakarang ito. Kapalit ng kakarampot na halaga, ginagamit at niloloko lang kasi sila ng mga 'poachers' o mga taong nagpupuslit ng mga ibon at iba pang hayop.

Papasukin rin natin ang mga makasaysayang kuweba ng Palawan. Isa rito ang Tabon Cave kung saan natagpuan ang labi ng isa sa pinakaunang tao na nanirahan sa Pilipinas mahigit dalawampung libong taon na ang nakararaan. Dito rin nadiskubre ang Manunggul Jar na ang takip ay may detalyadong disenyo ng 2 taong nakasakay sa bangka. Repleksyon ito ng mayamang kultura ng mga sinaunang tao tungkol sa pagtawid sa kabilang buhay ng mga pumanaw.

Makikilala rin ni Jay ang magkapatid na hindi matatawaran ang matibay na samahan. Sa pagpasok sa paaralan ng magkapatid, tulak-tulak ni Eman ang wheelchair ng kanyang kuya Ferdz na may kapansanan. Bagamat walong taon ang kanilang pagitan, nasa iisang baitang lamang ang magkapatid. Huminto kasi ng ilang taon sa pag-aaral si Eman para hintayin ang kanyang kuya. Nais ni Eman na sabay sila sa pagpasok sa eskwela dahil siya ang nagsisilbing gabay ng kanyang kuya. Kaya naman ngayon magkaklase rin sila.

Muli rin nating matutunghayan ang kahanga-hangang kuwento ng pagpupunyagi sa pagsubok ng mga kababayan natin may kapansanan tulad ni ni Toto na napag-aral ang sarili at pamangkin sa kabila ng pagkakaroon ng cerebral palsy. Ipinanganak naman si Niño na walang mga binti at paa pero sa kabila nito nakapagtapos siya ng kolehiyo habang si Jaymar naman na bagamat ipinanganak na walang mga daliri sa kamay ay nakagagawa pa rin ng mga obra sa pagpinta.


Inspirasyon din ang dulot ng kuwento ng tagumpay ng henyong si Ping na nakagawa ng hydro power machine. Dahil sa kanyang ginawang makinarya, nagkaroon ng elektrisidad at liwanag ang ilang kabahayan sa barangay nila na nababalot ng kadiliman. Kahanga-hanga din ang mga bilanggo ng Iwahig Prison and Penal Camp na pinagsisihan na ang kasalanang ginawa at pilit nagbabagong buhay. Ilan sa kanila ang bumuo ng choir na kumakanta ng mga awiting naghahatid ng inspirasyon sa kapwa nila preso.
Atin ding muling masasaksihan ang buhay ng mga katutubong Batak. Dahil sa kahirapan ang ilan sa kanila naghahanap ng uod o larva ng bubuyog para lang may makain. Ang mga bata naman umaakyat sa pusod ng kagubatan sa itaas ng bundok para manguha ng mga dagta na kanilang ibinibenta. Sinisikap ng mga katutubo ngayon na makapag-aral ang kanilang mga anak, sa tulong ng ilang grupo na nagtayo ng paaralan sa komunidad, para solusyunan ang kahirapan.
Muli rin nating mapakikinggan ang kuwento ng ilang mangingisda na nangunguha ng salabay o jellyfish. Bakas sa mga peklat at latay sa kanilang katawan ang iniwang pinsala ng salabay pero sa kabila nito hindi na nila alintana ang panganib na hatid ng mga galamay ng jellyfish dahil ito ang pinagkakakitaan nila ngayon para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.
Huling yugto na ng ating Palawan Expediton kaya tutok lang sa Motorcycle Diaries ngayong Huwebes, 10PM sa GMA News TV channel 11.
Tags: plug
More Videos
Most Popular