ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc', iikutin ang India simula ngayong Huwebes


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MOTORCYCLE DIARIES
2nd Anniversary Special
INDIA EXPEDITION PART 1
 
Kung noong isang taon, bumiyahe ang Motorcycle Diaries Team sa mga bansang Malaysia, Brunei at Indonesia…  ngayong naman, sa ikalawang anibersaryo ng Motorcycle Diaries, maglalakbay naman si Jay Taruc sa bansang ikalawa sa may pinakamalaking populasyon sa buong mundo, bansang may mayamang kasaysayan, makulay na kultura, naggagandahang monumento at istruktura at itinuturing na pangunahing transportasyon ang motorsiklo – ang bansang India!
 
Sa isang natatanging paglalakbay kasama ang isa sa Motorcycle Icon sa Pilipinas na si Joey Almeda, dadalhin tayo ni Jay Taruc mula sa kapitolyo ng India sa New Delhi hanggang sa lungsod ng Agra kung saan makikita ang pinaka-enggrandeng mauseleum - ang sikat na Taj Mahal.  

Tahanan ng iba’t ibang paniniwala ang India.  Sa katunayan dito isinilang ang apat sa pangunahing relihiyon sa buong mundo - ang Hinduism, Buddhism, Jainism at Sikhism.  Sa unang yugto ng ating India Expedition, lilibutin ni Jay sakay ng motorsiklo ang lungsod ng New Delhi at bibisitahin ang mga kilalang templo dito.
Unang sasadyain nila Jay ang Qutb Complex na gawa ng mga Sultan ng Delhi noong 1200 A.D. Noong panahong iyon isa ang Islam sa pangunahing relihiyon sa India.  Sa loob ng complex matatagpuan ang pamosong Qutb Minar, ang itinuturing sa buong India na pinakamataas na minaret o toreng bahagi ng isang mosque.  Tayog nitong 72 meters,  sintaas ito ng dalawamput apat na palapag na gusali.
 Binisita rin nila Jay ang Lotus Temple, isang templo ng relihiyong Baha’i na idinisenyo sa anyo ng bulaklak ng Lotus na simbolo raw ng walang bahid na pananampalataya. Sa lawak nito maikukumpara sa siyam na basketball court ang kabuuang floor area ng templo.

Hindi rin pinalagpas nila Jay na makita ang pamosong India Gate at ang Rashtrapati Bhavan.  Nagsisilbing pagkilala ang India Gate sa kabayanihan ng mga sundalong nakipaglaban sa mga Pakistani noong kasagsagan ng Indo-Pakistan war.  Ang isandaan at tatlumpung ektaryang compound ng Rashtrapati Bhavan naman ang nagsisilbing opisyal na tirahan ng presidente ng India.  Ang palasyong ito na may tatlong daan at apatnapung silid ang itinuturing na pinakamalaking tirahan ng isang pinuno ng bansa sa buong mundo.

Pinasyalan din nila Jay ang National Rail Museum sa New Delhi kung saan makikita ang labimpitong modelo ng tren na ang ilan ay ginamit pa noong 1800s.  Ikaapat ang India sa may pinakamahabang train network sa buong mundo.  At kada taon, aabot sa pitong bilyong tao ang gumagamit ng tren.  Sinubukan din nila Jay ang pinakabagong atraksyon  sa museong ito – ang pagsakay sa Mono Rail.
 Sisilipin din nila Jay ang mga sinaunang motorsiklo sa Sharma Motorcycle Depot.  Masasaksihan ni Jay dito kung paano ayusin at pagandahin ang mga lumang motor.  Ang ilan ditong motorsiklo panahon pa ng World War 2 nang huling nagamit pero matapos ayusin at ibalik sa dati nitong ganda ay maaari na muling patakbuhin.
 
Simula ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV Channel 11, angkas na at huwag bibitiw sa pag-arangkada ni Jay mula New Delhi hanggang Agra sa unang yugto ng 2nd Anniversary Special ng Motorcycle Diaries India Expedition!