ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Abantero, tampok sa unang yugto ng Surigao expedition sa 'Motorcycle Diaries'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
#abantero 
SURIGAO EXPEDITION – PART 1
Airing date: January 09, 2014


Bagong taon, bagong ekspedisyon. Sa simula ng taon, tutukan ang kauna-unahang paglalakbay ng Motorcycle Diaries sa Mindanao.  Dadayuhin ni Jay ang isang bayan sa Surigao na pagmimina ang ikinabubuhay ng maraming residente para sa unang yugto ng Surigao Expedition.

Pag-aabante sa Surigao
Pag-aabante ang tawag sa paghuhukay at pagtitibag ng bato para umusad ang hukay sa ilalim ng lupa.  Kinang ng pag-asa ang hatid ng bawat gramo ng ginto kanilang namimina.

Kaya ang ilan sa mga abantero, patuloy sa pagmimina sa kabila ng kanilang kapansanan, gaya ni dodong na bulag ang dalawang mata.  Madulas at maputik ang daan sa loob ng makipot na tunnel.

Kadalasan din na nakayuko o kaya naman ay paggapang silang pumapasok sa tunnel.  Hirap din huminga ang mga abantero tuwing nasa ilalim dahil sa manipis na hangin, dagdag pa ang peligrong nakaamba  gaya ng pagguho ng lupa. Pero hindi alintana ni Dodong ang panganib ng pagmimina.  Siya na kasi ang tumatayong padre de pamilya simula ng pumanaw ang kanilang mga magulang.  Sa kanya na lang umaasa ang dalawang nakababatang kapatid.



Hindi naman hadlang ang polio ni Mang Unardo sa tuwing sumusuot siya sa tunnel.  Tanging pag-aabante na lang kasi ang kanyang inaasahan para masuportahan ang kaniyang pamilya.  Hindi raw bababa sa anim na oras silang nasa ilalim ng lupa kada araw.

Mga batang sumasabak rin sa pagmimina
Pero ang mas nakababahala, maging ang ilang mga bata sumasabak na rin sa ganitong gawain. Tumigil  na sa pag-aaral sina Buboy at Caloy. Kung si Buboy maghapon ang ginugugol sa minahan, tuwing gabi hanggang madaling araw naman nagmimina ang grupo ni Caloy. Tila umiinog man ang mundo ng mga bata sa pagmimina sa ilalim ng lupa, hindi naman naibaon ang kanilang pag-asang maabot ang matayog nilang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo. Nag-iipon sila ng pera para may maipambaon sa susunod na pasukan.

Tutukan ang kuwento ng pagsusumikap ng mga abantero ngayong Huwebes 10pm sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!