ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ikalawang yugto ng Surigao expedition sa 'Motorcycle Diaries'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
#falcata  
MOTORCYCLE DIARIES
SURIGAO EXPEDITION – PART 2
Airing date: January 16, 2014


Sa ikalawang yugto ng ating Surigao Expedition, kakamustahin ni Jay ang mga kabataang tila kalabaw sa pagbabanat ng buto.
 


Pangunahing pinagkakakitaan sa bayan ng San Miguel sa Surigao del Sur ang mga troso ng punong falcata. Karaniwang ginagawang plywood at papel ang mga troso. Pero bago pa makarating sa mga pabrika, kailangan munang ibaba ang mga troso mula sa kagubatan. Ito ang pinagkakakitaan ng katorse anyos na si Jepoy at kinse anyos na si Jamar. Tuwing sabado at linggo, maghapon naghahanap ng troso sa kagubatan ang magkaibigan. Binabayaran sila sa bawat troso na kanilang maibababa mula sa bundok. Pero hindi madali ang pagbaba ng mga ito.  Matarik, masukal, at madulas ang mga daan sa kagubatan. Pero ang pinakamahirap, ang pagbaba mismo ng mga troso na may bigat na limampu hanggang isandaang kilo bawat isa. Dahil sa sobrang bigat nito, imbes na buhatin ay hinihila na lang ng magkaibigan ang mga ito.
 
“Dragging” ang tawag sa paghila o pagkaladkad nila ng troso mula sa loob ng gubat palabas sa kalsada kung saan ito ikinakarga sa malalaking truck. Pero may mga pagkakataon na ang mga troso na nakikita nila ay galing sa mababang bahagi ng gubat. Kaya naman doble ang hirap dahil kailangan nila ito hatakin papunta sa kalsada sa itaas. Dahil hindi rin pantay ang dinadaan, may pagkakataon din na kailangan nilang buhatin ang troso lalo kung may harang sa daan.


Bente pesos lamang ang ibinabayad sa kanila sa bawat trosong kanilang maibababa. Kaya naman para makarami, ilang beses nila itong gagawin sa maghapon. Mabigat man sa katawan at maliit man ang kinikita nila dito, kailangan daw nila itong gawin para may maipambaon sila at masuportahan ang mga gastos  sa eskwela. Grade five na ngayon ang magkaibigan at determinado silang tuparin ang kanilang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo. Sa katunayan first honor si Jepoy habang second honor naman si Jamar.

Mula naman sa pamilyang maharlika ang dise-sais anyos na si Melvin. Ang kanyang ama na si Datu Dalangpanan ang pinuno ng mga katutubong Manobo sa kanilang sitio. Pero hindi tulad ng marangyang buhay na karaniwan sa mga maharlika, naghihirap ang kanilang pamilya. Kaya tulad ng ilang kabataan ay naghahatak rin ng troso ng punong falcata si Melvin. Mahina na kasi ang kanyang ama at may iniinda namang katarata sa dalawang mata ang kanyang ina.  Para makatulong sa pamilya, mas madalas sa kagubatan si Melvin kaysa sa classroom. Kaya naman karaniwang nagda-drop-out siya sa eskwela.

Pakinggan ang kuwento ng mga kabataang handang magsakripisyo para sa pamilya at tunghayan ang hirap na kanilang pinagdaraanan maabot lang ang pangarap na ginhawa ngayong Huwebes 10pm sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV Channel 11!