ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ikalawang yugto ng La Union expedition, tampok sa 'Motorcycle Diaries'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
#LaUnionExpedition
MOTORCYCLE DIARIES
LA UNION EXPEDITION PART 2
Airing date: March 20, 2014
 
Ikalawang yugto na ng La Union Expedition ngayong Huwebes, samahan si Jay na higit pang kilalanin ang mga residente ng probinsiya at tuklasin ang mayaman nilang kasaysayan at makulay nilang kultura.

 
Sa bayan ng Bacnotan matatagpuan ang tinaguriang ‘centennial tree’ na isang punong acacia na lagpas isangdaan taon na ang edad. Pero hindi lang pala ang punong ito sa bayan ng Bacnotan ang may ganito kahabang buhay. Maging ang mga residente umaabot ng ganitong edad tulad ni Lola Catalina na inabutan pa ang una at ikalawang digmaang pandaigdig. Kung karamihan ng matatanda ay nakaratay na sa sakit, sa edad niyang isandaan at dalawang taon ay nakapagsisibak pa ng kahoy na panggatong si Lola Catalina. Mababakas rin sa kanyang mga kuwento na hanggang ngayon ay matalas pa rin ang kanyang pag-iisip. Base sa datos, ang bayan ng Bacnotan ang may “longest life expectancy” sa probinsiya ng La union. At ang mas kahanga-hanga, malalakas pa ang karamihan sa mga lolo at lola rito. Nakapagsisibak pa rin ng kahoy si Lolo Ricardo na nubenta y dos anyos na. Nakatutulong pa rin daw siya sa gawaing bukid. Ang sariwang hangin sa probinsiya at pagkain umano ng gulay ang sikreto sa malusog at malakas nilang pangangatawan.



Sa bayan naman ng Luna kinalakhan nang hanapbuhay ang pangunguha ng bato sa dalampasigan o stone picking. Ginagamit ang mga bato bilang dekorasyon sa aquarium, at materyales sa paggawa sa bahay. Halos limang dekada na raw nangunguha ng bato ang sisenta anyos na si ‘Lola Liza.’ Mabusisi ang pangunguha ng bato dahil may akmang sukat at laki ang maaaring ibenta. Dose pesos lamang ang halaga ng bawat isang baldeng batong maiipon niya kaya sa maghapon karaniwang singkuwenta pesos lamang ang kinikita ni lola.



Magkasama namang nagunguha ng bato ang magkaibigang Patrick at Sherwin. Sa murang edad nila, napipilitan silang magbanat ng buto para mayroong maipambaon sa eskwela. Sa pamumulot ng bato lang daw sila umaasa ng panggastos sa kanilang mga school project. Pangunguha na rin ng bato ang paraan nila para makatulong sa pamilya. 



Pero ang problema, maraming umaabuso sa kalikasan. Maging ang maliliit na batong ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan na kunin ay kinukuha at ibinebenta ng ilang residente. Dahil sa ilang dekada ng iligal na pangunguha ng bato, umurong ng mahigit dalawampung metro ang dalampasigan at nasira ang ilang gusali tulad ng makasaysayang Baluarte na panahon pa ng pananakop ng mga Kastila ng itayo.



Bukod sa Baluarte, marami pang makasaysayang lugar ang matatagpuan sa La Union. Kasama ang mga grupo  ng motorcycle riders sa La Union, binisita nila Jay ang mga historical landmarks sa bayan ng San Fernando gaya ng Pindangan Ruins at Poro Point Lighthouse.  Nakisaya rin si Jay sa ikawalong La Union Grand Electric Parade. Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-isangdaan at animnapu’t apat na anibersaryo ng pagkakatatag ng probinsiya ng La Union. Gabi isinasagawa ang paradang ito dahil tampok dito ang mga kumukuti-kutitap at nagliliwanag na mga electric float. Bawat bayan sa La union ay nagpapasiklaban sa pagandahan ng mga nagniningning na float na bahagi na raw ng kanilang makulay na tradisyon at kultura.

Kapit ng mahigipit at huwag bibitiw sa ikalawang yugto ng La Union Expedition ngayong Huwebes 10PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!