ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ikatlong yugto ng Cordillera expedition sa 'Motorcycle Diaries'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
#CordilleraExpedition
MOTORCYCLE DIARIES
CORDILLERA PART 3
June 05, 2014

 
Mula Ifugao at Mt. Province, didiretso na si Jay sa probinsiya ng Benguet sa huling yugto ng ating Cordillera Expedition.

 
Sa pagpapatuloy ng biyahe ni Jay sa Cordillera, nakilala niya ang kumadrona na si Aling Pascuala na tanging takbuhan ng mga residente tuwing nagkakasakit. Si Aling Pascuala ang namamahala ng health center sa Barangay Samoki sa bayan ng Bontoc na siyang pinupuntahan ng mga residente tuwing nangangailangan ng atensyong medikal. Pero mismong ang health center tila naghihingalo ang kondisyon. Bitak bitak ang mga dingding at butas butas ang bubong. Tila bodega naman ang prenatal room dahil sa dilim at sikip nito. Mainit na nga sa kuwarto, wala pang linya ng tubig at kuryente.


Sa kabila nito, hindi pinanghihinaan ng loob si aling Pascuala. Sa katunayan, sinasadya niya pa ang mga pasyenteng hindi kayang bumaba sa health center, tulad ng sisenta’y kuwatrong amputee na si Aling Ruth. Tatlong dekada ng may diabetes si Aling Ruth. Dahil sa diabetes, ang simpleng sugat sa paa nauwi sa pagkaputol ng kanyang binti. Si Aling Pascuala na lamang ang inaasahan niya para regular na mamonitor ang kanyang kondisyon.


Sa probinsiya ng Benguet, isang mag-ina naman ang hindi rin nawawalan ng pag-asang umahon sa kahirapan kahit nasa dapithapon na ng kanilang buhay. Sa edad niyang otsentay nuebe anyos, nagbabanat pa rin ng buto si Nanay Salome kasama ang anak niyang si Mang Amando na animnaput limang taong gulang na. Nanlalabon o nangunguha ng gold dust ang mag-ina sa mga buhangin at batuhan sa gilid ng Ilog Agno. Araw-araw maghapong nakababad sa tubig ang kanilang mga paa at tinitiis ang init mula sa tirik na araw sa pagbabasakaling makakuha ng gintong pulbos sa ilog. Masinsin nilang sinasala ang buhangin at bato para makakuha lamang kahit kalahating gramo ng ginto. Sa bawat paglusong sa ilog, tila nakikipagsayaw ang mag-ina sa panganib na dulot sa kanilang kalusugan ng maghapong pagkahapo.


Sa kabundukang bahagi naman ng Bontoc, nakisayaw naman si Jay sa mga kapatid nating Igorot sa saliw ng musika mula sa mga gangsa o gong. Sa pangunguna ng “Litang Fan,” layunin ng grupo na mapreserba ang ibat-ibang katutubong sayaw para sa ibat-ibang okasyon tulad ng ligawan, kasal, anihan o digmaan. Maging ang mga tradisyunal na kasuotang ginagamit sa mga sayaw na ito ay nais din nilang mapanatili sa kaugalian ng bagong henerasyon.


Pero ang sining ng paggawa ng gong, tila nanganganib na rin daw mabura. Iilan na lamang daw kasi ang natitirang gumagawa ng mga gong sa Cordillera. Sa bayan ng Mankayan sa lalawigan ng Benguet, nag-iisa na lamang ang singkuwenta’y tres anyos na si Mang Marvin. Minana niya pa sa kaniyang ama at ninuno ang kaalaman sa pagpanday ng tanso para gawing gong. Bawat pukpok ng maso, nagtatakda ng magiging tono ng gong. Pero kokonti na lang din ang kanyang ginagawang gong. Tumutumal na raw kasi ang natatanggap niyang order dahil iilan na lang ang nagtatanghal ng katutubong sayaw at tugtugin sa kanilang rehiyon.

Huwag bibitiw sa huling yugto ng Motorcycle Diaries Cordillera Expedition ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11.
Tags: plug, jaytaruc