ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
Mga senior citizen na manggagawa, kukumustahin ng 'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc'
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

#dapithapon
MOTORCYCLE DIARIES
AIRING DATE: JULY 10, 2014
Sa mga kulubot ng kanilang balat, mababakas ang mahabang panahong pagsisikap para sa kanilang pamilya. May pag-asa pa bang natatanaw ang mga manggagawang nasa dapithapon na ng kanilang buhay. Ngayong Huwebes, samahan si Jay sa isang natatanging paglalakbay sa kuwento ng sakripisyo at pagsubok ng ilan nating mga lolo at lola.
Araw-araw makikita si lolo vidal na nagtitibag ng adobe sa kabundukan ng Teresa Rizal. Ito na kasi ang siyang pinagkukunan niya ng kabuhayan sa loob ng apat na dekada. Sa edad niyang sitenta’y tres, nanakit na ang kalamnan sa katawan ni Lolo Vidal sa bawat pagpukpok niya ng mabigat na maso sa mga sinsel. Tuwing nagtitibag siya ng adobe, ‘di maiwasang may magtalsikang mga gabutil na piraso ng bato. Pero balewala ito sa kanya at imbes na magpahinga, patuloy siya sa pagbabanat ng buto para mapagtapos ng kolehiyo ang bunsong anak.
Pagputok naman ng bukang-liwayway, tumutungo na sa dalampasigan ang sisenta’y nuebe anyos na si Lola Remedios. Sinasamantala ni Lola Remedios habang low tide, kung kailan hanggang baywang lang ang lalim ng tubig. Pangunguha kasi ng talaba ang kanyang pinagkakakitaan at mas madali manguha nito tuwing mababaw ang tubig. Sa tuwing lumulubog si Lola Remedios sa malamig na tubig hindi niya mapigilan ang pangangatog ng pagal na katawan. Tila kalyado na rin ang mga paa ni Lola Remedios sa pagtapak sa mga matatalas na laman-dagat sa ilalim ng tubig. Inilalako naman niya sa palengke ang mga nakuhang talaba.
Hindi naman alintana ng sisenta’s singko anyos na si Lola Sion ang panlalabo ng paningin para dumiskarte ng maipambibili ng konting makakain. Tuwing umaga iniikot niya ang terminal ng dyip para mangalakal ng plastik na bote. Pero dahil sa Malabo niyang paningin, minsan na rin siyang naatrasan ng dyip. Sa kabila ng peligro patuloy siya sa pagtatrabaho. Sa bawat piso kasing kinikita sa pangangalakal nakasalalay ang kakainin nila ng kanyang dalawang apo at nag-iisang anak na may sakit.
Tila ulilang lubos naman na ang sitenta’y siyete anyos na si Lola Luring. Mag-isa na lamang kasi siyang namumuhay dahil hindi na rin siya nakapag-asawa. Mula ng humiwalay at magkaroon ng sariling pamilya, tila nakalimutan na rin daw siya ng mga pamangking inalagaan niya sa loob ng dalawang dekada. Paglalako ng nilagang mani na lamang ang kanyang inaasahan para lamang kumita. Ang tangi niyang hiling, muling makapiling ang mga pamangkin na itinuring niyang mga sariling anak.

Tunghayan ang kuwento ng ating mga lolo at lola na sa kabila ng paghihirap at pasakit, buong tapang pa ring nagpapatuloy sa biyahe ng buhay, ngayong Huwebes, 10PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11.More Videos
Most Popular