ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga natatanging paglalakbay ni Jay Taruc, babalikan sa 'Motorcycle Diaries'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mga natatanging paglalakbay ng Motorcycle Diaries

August 07, 2014
 
Sa loob ng tatlong taon, malayo na nga ang narating ng ating motorsiklo para ibahagi ang kuwento sa bawat kanto, sa loob man o labas ng bansa.  At sa nalalapit na ika-3 anibersaryo ng Motorcycle Diaries, muli nating balikan ang mga makabuluhang paglalakbay na tumatak sa ating kamalayan.
 
Sa ating unang taon, naglakbay tayo sakay ng motorsiklo para tahakin ang mga landas na hindi karaniwang nabibigyang-pansin, ngunit nagsisilbing malaking bahagi ng ating kasaysayan; tulad ng Bataan death march at ang ruta ng Philippine National Railways o PNR.  Kalaunan bumiyahe tayo sa iba’t ibang lalawigan sa Pilipinas para tuklasin ang natatagong yaman at mayamang kultura ng bawat probinsya.

 Bukod sa mga ipinagmamalaking tanawin, pagkain at kultura sa mga probinsya, nagsilbi tayong boses ng mga kababayan nating may kuwentong kapupulutan ng inspirasyon sa kabila ng kinakaharap nilang pagsubok sa buhay.  Tulad ng kuwento ng trese anyos na si Carlo na sa murang edad ay siya nang nagsisilbing haligi at ilaw ng kanyang tahanan, at ni Gil na hindi naging hadlang ang kapansanan para itaguyod ang sariling pamilya.

Tumawid rin tayo sa Mindanao para tuklasin ang iba’t ibang paraan ng mga kababayan natin para labanan ang kahirapang kinasadlakan nila, mula sa mga kabundukan kung saan nagmimina ng ginto at naghihila ng nagbibigatang troso ang ilang kabataan, hanggang sa karagatan kung saan lumulusong ang ilan para sa kakarampot na kita.

Bawat taon, isang hamon ang hinaharap ng programa para sa pagdiriwang ng anibersaryo; ang paglalakbay sa ibayong-dagat! Kaya naman sa unang anibersaryo, naglakbay tayo sa isla ng Borneo na pinaghahatian ng mga bansang Indonesia, Malaysia at Brunei! Sa ikalawang taon, lumipad ang team sa pinakamalaking bansa sa timog asya, at ikalawang pinaka-mataong bansa sa buong mundo, ang bansang India! Natuklasan natin ang makulay na kultura at kasaysayan ng mga bansang nilibot natin, at natuklasan natin ang ilang pagkakahawig ng kanilang buhay sa ating sariling lupain.

At sa ikatlong anibersaryo ng programa, abangan kung saan naman makakarating ang aming motorsiklo.  Level-up na ang ating pag-arangkada mga ka-biyahe!  Para malaman ang kasagutan, ‘wag palalampasin ang espesyal na pagtatanghal ng Motorcycle Diaries ngayong Huwebes, alas-10 ng gabi, sa GMA News TV!