ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ang pagbabago sa buhay ng ilang taong tumatak sa ating kamalayan, tampok sa 'Motorcycle Diaries'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
#MotorcycleDiaries
#Pagbabago
AUGUST 21, 2014
 
Sa loob ng tatlong taon ng paglalakbay sa Motorcycle Diaries, marami na ring istorya at taong nakilala si Jay. Sa isang espesyal na biyahe, muling babalikan ni Jay para kamustahin ang mga tao at kuwentong tumatak sa ating kamalayan. May nagbago kaya?
 
Ngayong panahon ng tag-ulan, napapadalas na naman ang pagbaha sa kamaynilaan at ilang bahagi ng bansa. Dalawang taon na ang nakalilipas ng ikutin ni Jay ang lugar sa Kalakhang Maynila na suki ng baha, ang CAMANAVA area na binubuo ng lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas  at Valenzuela. Dito niya nakilala ang pamilya Monje na madalas nakalubog sa tubig baha ang bahay.  Sinadya rin ni Jay ang mga residente ng bayan ng Rodriguez sa Rizal na nawasak ang tahanan dahil sa landslide na dulot ng pagragasa ng tubig baha.  Makalipas ang dalawang taon, nakaahon na kaya sila sa pagsubok na dala ng baha?
Isa pang problema sa Metro Manila ang masikip na daloy ng traffic. Para maibsan ang problema sa traffic, binuksan ang Pasig River Ferry System noong 2007. Pero sa loob lamang ng halos apat na taon, isinara ang Pasig Ferry noong 2011 dahil sa pagkalugi. Ang mga sira-sirang istasyon, nagsilbing tahanan para sa pamilya ni Aling Gina. Pero matapos ang tatlong taong pagkakatengga, muling binuhay ang proyekto at binuksan ang serbisyo ng ferry sa Pasig River. Ano naman kaya ang nagbago sa pamumuhay ng pamilya ni Aling Gina?

Ilang kabataan din na napipilitang magtrabaho dahil sa kahirapan ang nakilala ni Jay. Sa Tondo nakilala niya ang batang si Jaymark na namumulot ng kahoy sa   maruming dagat para gawing uling.  Sa maruming ilog naman sa Paranaque inabutan noon ni Jay ang kambal na sina John Mark at John Lloyd.  Sakay ng styropor, namumulot sila ng ‘sibak’ mula sa mga basurang lumulutang.  Ipinambibili nila ng ulam ang kakarampot na kita mula sa sibak na naibenta sa junkshop. Makalipas ang dalawang taon, tumigil na kaya ang mga batang ito o patuloy pa rin sa pagbabanat ng buto?
 
Kakulangan naman sa serbisyong medikal ang idinadaing ng residente ng barangay San Andres sa Tanay Rizal. Dahil sa layo ng pinakamalapit na ospital, ang barangay health center lamang ang kanilang takbuhan. Pero dahil sa tila nagihihingalong pasilidad na pangkalusugan ng center, kadalasan hindi nalulunasan ang karamdaman ng mga residente tulad ng malaking bukol sa mukha ni Nanay Monaynay at labis na malnutrisyon ni baby mark.  Tatlong taon na ang nakalilipas, bumuti kaya ang kalusugan ng mga residente maging ang serbisyong medical sa kanilang barangay?
 
Samahan si Jay na kamustahin ang pagbabago sa buhay ng mga taong tumatak sa ating kamalayan ngayong Huwebes 10pm sa Motorcycle Diaries sa Gma News TV channel 11!