ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Biyaheng Venice, Vatican City at Pisa, tampok sa 'Motorcycle Diaries'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
#EuropeExpedition
MOTORCYCLE DIARIES
3RD ANNIVERSARY SPECIAL – PART 2
 
Mula Germany at Austria, tatawid na sina Jay ng Italya sa ikalawang yugto ng Motorcycle Diaries Europe Expedition.
 
Probinsiya ng Varese ang unang destinasyon nila sa Italya.  Sa kanilang pag-arangkada ng halos pitong daang kilometro, babagtasin nila Jay ang Stelvio Pass na isa sa pinakamataas na kalye sa Europa.  Matatagpuan ito sa kabundukan ng Alps sa hilagang bahagi ng Italya.  Bagamat magagandang tanawin ang sasalubong sa iyong pagdaan dito, doble ingat ang kailangan dahil higit na makitid at matalas ang kurbada ng daan sa Stelvio Pass kumpara sa Kennon Road sa Baguio.  Sa kabila ng natatanging karanasan nila Jay, tila hindi rin nila malilimutan ang paglalakbay na ito dahil nasama sa isang aksidente sa daan ang ilang kasamahan nila.

Mula Varese, dumiretso naman sila Jay sa floating city ng Italya, ang lungsod ng Venice.  Binubuo ito ng isandaan at labingwalong maliliit na isla na pinaghiwa-hiwalay ng mga canal at pinag-uugnay ng mahigit apat na daang tulay!  At para malibot ang Venice, sa halip na kotse o motorsiklo mga sasakyang pantubig ang karaniwang paraan ng transportasyon dito tulad ng Vaporetti o water bus.  Pero para sa mga turista, higit na kilala ang Venice dahil sa mga bangkang Gondola.  Sa tuwing sasakay sa Gondola, hindi malimutan ng mga pasahero ang nagagagandahang tinig ng mga umaawit na gondolier kaya naman nakilala rin ang Venice Italy bilang isa sa pinaka romantikong lungsod sa buong mundo.  Sa Venice nakilala ni Jay ang mag-asawang Pinoy na sina Jeff at Heidilyn.  Tila sinadya ng tadhana na sa Venice magtagpo ang dalawa, dito kasi sila unang nagkita at dito na rin nabuo ang kanilang pag-iibigan.

Kasama naman ang magpinsang Kim at Joia, nilibot ni jay ang St. Mark’s Square o Piazza San Marco na sentro ng pulitika at relihiyon ng Venice.  Dito kasi matatagpuan ang pinakakilalang simbahan ng Venice, ang St. marks Basilica.
Hindi naman matatawaran ang karanasan na mapuntahan at makita ng malapitan ang kagandahan ng Leaning Tower of Pisa sa Italy na karaniwang nababasa lamang sa libro at napapanood sa pelikula.  Kilala ang toreng ito dahil sa pagkakahilig niya sa isang bahagi.  Dahil malambot ang lupa sa isang panig ng pundasyon, nagsimulang tumagilid ang tore habang ginagawa pa lang noon. Sinimulang itayo ang toreng ito taong 1173 at tuluyang nakumpleto makalipas ang dalawandaang taon. 

Sa St. Peter Square naman sa Vatican City karaniwang nagpupunta ang mga katolikong nais makinig sa mensahe ng Santo Papa.  Dito nakilala ni Jay si Marc na isa palang official tour guide ng Vatican. Sa isang pambihirang pagkakataon, sinamahan ni Marc si Jay sa isang tour sa loob mismo ng St. Peter Basilica. 

Kapit nang mahigpit sa ikalawang bahagi ng Motorcycle Diaries Europe Expedition ngayong Huwebes 10PM, sa GMA News TV channel 11!