Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga lugar ng kababalaghan, tampok sa 'Motorcycle Diaries'


MOTORCYCLE DIARIES
Halloween Special Part 2
#LugarNgKababalaghan
October 30, 2014
 
Ngayong Undas papasukin ni Jay ang mga antigong bahay at lumang pagamutan na nababalot umano sa kababalaghan.  Samahan si Jay suriin kung may katotohanan nga ba ang mga kuwento ng elemento at kakaibang nilalang, multo at ligaw kaluluwa o sadyang ang mga ito’y likha lamang ng malikot na isip?
 
Sa Bayan ng Maragondon Cavite matatagpuan ang Bonifacio Trial House.  Kilala ang bahay na ito dahil dito nilitis si Gat Andres Bonifacio at ang kapatid niyang si Procopio noong 1897 kung saan ipinataw sa kanila ang parusang kamatayan.  Pero bukod sa makasaysayan nitong nakaraan, nakilala ang bahay dahil pinamamahayan umano ito ng mga ispirito at kaluluwa.  Bukod sa white lady, iIang beses na rin daw nakakita si Xerlyn ng kaluluwa ng babaeng nakasuot ng baro’t saya.

Hindi kalayuan mula sa Bonifacio Trial House, matutunton naman ang Biangge House na itinayo pa noong 1880s.  Kuwento ng caretaker ng bahay na si Mang Turo, diumano’y pinagmumultuhan din ng mga elemento’t kaluluwa ang Biangge House.  Sa ilang dekadang pangangalaga niya sa bahay, madalas raw siyang kinikilabutan sa tuwing nakikita ang anino ng isang lalaki.  Maging ang kaniyang anak at pamangkin, nasaksihan raw mismong namimintana ang isang matandang lalaki na biglang naglaho. Isang malaki, mabalahibo at maitim na nilalang naman ang nakita ni Nonat sa puno ng mangga sa tapat ng biangge house.  Dahil sa sobrang takot sa nakita ay halos mawala raw sa katinuan ang kaniyang isipan noon.

Isang pagamutan naman sa Quezon City ang pinamumugaran umano ng mga multo at ispirito.  Karaniwan daw nakaririnig ang midwife na si Ghel ng ungol at panaghoy sa dis oras ng gabi.  Kinikilabutan daw siya sa tuwing maririnig ang mga panaghoy dahil sigurado raw siyang hindi ito daing ng mga pasyente.  Pero ang karanasan na nagdala sa kanya ng labis na takot ay ng minsang inakala niyang may nasagi siyang tao habang naglilinis.  Sa kanyang paglingon isang maitim na usok na korteng tao ang kanyang nakita.  Ganito rin ang naging karanasan ng janitor na si Efren.  Habang naglalampaso daw siya ng sahig sa isang pasilyo ay nakaramdam siya ng malamig na hangin sa kanyang likuran.  Tila mayroon daw bumuntung hininga sa kanyang batok.  Laking gulat niya ng makita ang bakas ng mga paa sa sahig na kanyang nililinis. Tumindig naman ang mga balahibo ng kumadronang si Delia ng minsang makaharap ang isang doppelganger na isang elementong nanggagaya sa itsura ng isang tao.

May katotohanan nga ba sa mga kuwento ng kababalaghan na bumabalot sa pagamutan at mga antigong bahay?
 
Kapit ng mahigpit at tunghayan ang paglalakbay ni Jay sa mundo ng misteryo at kababalaghan.  Huwag palalagpasin ang huling yugto ng Motorcycle Diaries Halloween Special ngayong Huwebes, 10 PM sa GMA News TV channel 11!