Christmas food trip ngayong Huwebes sa 'Motorcycle Diaries'
Malaking pagtitipon para sa ating mga Pilipino ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
At kapag may pagtitipon, hindi nawawala ang pagkain. Ngayong Huwebes, samahan si Jay sa espesyal na Christmas foodtrip!

Dahil lubos na malikhain tayong mga Pinoy, kani-kaniyang gimik sa pagluluto at presentasyon ng pagkain ang marami sa atin. Ang mga tradisyunal na pagkain sa hapag tuwing Noche Buena, binihisan at ginawan ng ibang bersyon. Kung gusto mong matikman ang ibang klase ng hamon ngayong Pasko, maaari mong subukan ang hamong baboy ramo, hamong kambing, hamong karneho o ham na gawa sa karne ng kuneho, at crocodile ham.

Maging ang mga kilalang kakanin na hinahanap-hanap natin pagkatapos magsimbang gabi, gaya ng bibingka at puto bumbong, mayroon na ring twist! Nakatikim ka na ba ng ‘american bibingka’ at puto bumbong ice cream!

Kung gusto mo naman makaranas ng kakaibang dining experience ngayong Pasko, maaaring subukan ang degustacion! Sa degustacion, pa-isa-isa at maliliit na serving lang ng putahe ang inihahain. Habang ninanamnam ng mga bisita ang mga pagkain, ibinabahagi sa kanila ang kasaysayan ng bawat putahe.
Para naman sa ilan, mas magiging makabuluhan ang husay sa kusina kung gagamitin ito sa pagtulong sa kapwa. Dahil ang tunay na diwa ng Pasko ay pagbibigayan, ang ilan buong puso namang nagluluto para ibahagi sa kawanggawa.

Namnamin ang sarap ng Kapaskuhan ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!
