Sen. Lito Lapid, binasbasan na ang pagtakbo ng anak bilang senador
Sa isang panayam ni Kara David para sa programang “Powerhouse,” ibinunyag ni Sen. Lito Lapid ang mga susunod niyang plano sa nalalapit na Eleksyon 2016.
“Tatakbo akong Mayor ng Angeles, [Pampanga],” ani Lapid.
Tinanong ni David si Lapid kung bakit hindi siya sa Porac, Pampanga tatakbo bilang alkalde gayong siya ay tubong Porac.
“Marami [kaming] kamag-anak doon, mag-aaway-away lang [kami],” tugon ng senador.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tatakbo bilang alkalde si Lapid. Minsan na rin siyang tumakbo bilang alkalde noong Eleksyon 2007 sa lungsod ng Makati kalaban si dating Mayor at ngayo’y Bise Presidente Jejomar Binay. Sa kasamaang palad, natalo siya.
Pagpapasa ng posisyon
Ibinibigay na raw ni Lapid ang kaniyang basbas sa pagtakbo ng kaniyang anak na si Pampanga Governor Mark Lapid bilang senador.
Biro pa niya, mas magaling daw ang anak na si Gov. Mark sa kaniya pagdating sa politika.
“Tsamba tsamba lang ‘yung akin e. Siya [‘yung mas magaling],” sabi ni Lapid.
Payo pa niya sa kaniyang anak, “Magpakatotoo siya. Kapag nagserbisyo siya, [gawin niya] para sa bayan.”- Gerald Vista/BMS