ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Reel Time: Jomalig


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

REEL TIME: JOMALIG
Airing date: July 28, 8:45 PM, GMA News TV



 
 

Sa yaman ng kalikasang taglay ng isla ng Jomalig sa Quezon, paraiso itong maituturing.  Pero sa kabila ng malinis at mayaman nitong karagatan at mala-ginto nitong buhangin, tila isang sumpa rin ang angking kagandahan.
 

Jomalig ang nangunguna sa listahan ng mga bayang may pinakamataas na malnutrition rate sa buong bansa. Ayon sa tala ng National Nutrition Council, tinatayang 3 sa bawat 10 bata sa Jomalig ang malnourished. Pero kaakibat din ng malnutrisyon ang iba pang problema ng isla.
 

Isang bayang tila ikinulong ng mga alon, matatagpuan ang Jomalig sa pinakadulong silangan ng lalawigan ng Quezon.  Pinalilibutan ng Karagatang Pasipiko, ang Jomalig ay inilayo rin ng karagatan mula sa mga serbisyong pangkalusugan.  Walang ospital sa isla at ang pinakamalapit na pagamutan ay matatagpuan sa bayan na ng Camarines Norte na apat na oras ang layo at mararating lang sakay ng bangka. 
 

Kaya para sa sampung taong gulang na si Aldrin, isang pangarap na lamang ang maipagamot.  Dalawang buwan na nang magsimulang lumaki ang kanyang hita at unti-unting namayat pero hindi nila malaman ang kanyang karamdaman dahil sa layo ng pagamutan.  Hindi maiwasang mangamba ni Aldrin at ng kanyang pamilya lalo pa't namatayan na rin siya ng kamag-anak na hindi na natingnan ng doktor at umabot sa ospital.  Kaya para sa mga taga-isla, madalas katumbas na ng sakit ang kamatayan.
 

Para sa islang sadlak sa problema ng serbisyong pangkalusugan at malnutrisyon, paano nga ba sila aahon? Hanggang kailan nila susuungin ang mga alon?
 

Ngayong Linggo sa Reel Time, kilalanin ang bayan ng Jomalig, ang pinakamalayong isla ng Quezon. Tatawirin natin ang malawak na karagatan para tunghayan ang kanilang kalagayan.  Magsisimula ang paglalakbay pagsapit ng 8:45 ng gabi sa GMA News TV.