ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Reel Time presents 'Pula'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Reel Time
Pula
January 26, 2014
8:00 pm on GMA News TV 11



Ano ang kulay ng iyong buhay? Kasing tingkad ba ng kulay dilaw? O kasing  lamig ng kulay asul? Puno ba ito ng liwanag tulad ng kulay puti o nababalot ito ng dilim tulad ng kulay itim? Ang buhay ni Vina, singtapang ng kulay pula.
 
Halos dalawang dekada nang nagtatrabo bilang OFW domestic helper si Vina . Sa nakaraang pitong taon, sa Hong Kong siya napadpad.  Hiwalay sa asawa at walang anak, kumakayod si Vina para masuportahan ang limang nakababata niyang kapatid sa Pilipinas.
 
Sabi nga niya, ang buhay niya ay puno ng saya at pagpapala. Hanggang sa isang malaking pagsubok ang dumating sa kanya. Hulyo ng taong 2013, nakumpirma ng mga doktor na mayroon siyang leukemia.
 
Imbes na umuwi, nanatili sa Hong Kong si Vina. Dahil kasi sa kanyang working visa sa Hong Kong, mas mura siyang makakapagpagamot doon kaysa sa Pilipinas. Ang isang chemotherapy sa Hong Kong ay nasa HK$ 100 lamang o humigit kumulang Php 600.00 kumpara sa mahigit Php 70,000.00 sa Pilipinas.
 
Pero nang patalsikin siya ng kanyang amo dahil sa kanyang karamdaman, natapos na rin ang murang gamutan. At dahil wala namang sapat na naipong pera, hindi na niya kayang matustusan pa ang pagpapagamot.
 
Pula ang paboritong kulay ni Vina.  Para kasi sa kanya, sagisag ito ng katapangan at kaligtasan, na kanyang pinanghahawakan sa kinakaharap na laban. Ito ang kulay ng isang mandirigma.
 
Pula man ang kulay ng kanyang paglalakbay, hangad ni Vina na hanggang sa huling yugto nito, ito ay maging makabuluhan at makulay.
 
Ikaw, gaano katingkad ang pula sa iyong buhay? Sa Linggo, alas-otso ng gabi sa GMA News TV, samahan natin si Vina sa kanyang paglalakbay. Tunghayan ang kanyang kuwentong aantig sa ating mga puso at magbibigay kahulugan sa iba’t-ibang kulay ng buhay. Handa ka na ba sa isa na namang pelikula ng totoong buhay?

Tags: plug, leukemia