ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Musikang bumubuo sa damdamin ng mga dokumentaryo ng ‘Reel Time’


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iba’t ibang emosyon ang inihahandog ng bawat pelikula ng totoong buhay na inihahandog ng programang “Reel Time” sa mga manonood nito. At sa bawat damdaming hatid ng bawat dokumentaryo – ito ma’y kasiyahan, kalungkutan o katatakutan – may kasama itong musika o awitin na tumutulong maghatid ng kuwento.

“Mahalaga talaga ang musika sa bawat aspeto ng buhay,” ani Z Mendioro, isa sa mga sumulat ng mga orihinal na awiting ginamit sa mga dokumentaryo ng programa. “May maibabaon ding himig [ang mga manonood] na pwede nilang maging kanta sa anumang pangyayari ng buhay nila.”

Kaya naman kasabay ng mga premyadong dokyu, inihahandog din ng “Reel Time” ang mga orihinal na awiting tatatak at aantig sa emosyon sa mga manonood nito.

Ilan lang ang mga dokyung “Pag-Uli” at “Pula” sa mga episode ng “Reel Time” na sinulatan ng orihinal na awitin.

“Tindig Pinoy”
Episode: Pag-Uli
Ang dokyung “Pag-Uli” ay kuwento ng pagkakahiwa-hiwalay at muling pagkikita ng mga pamilya sa Tacloban na winasak ng Bagyong Yolanda.

“Gustong ipaalala ng ‘Tindig Pinoy’ na sa dami ng mga pagsubok na dumadaan sa atin, nakakaya nating bumangon,” paliwanag ng composer nito na si Carla Baful. “Pinaaabot din ng kanta ang pag-asang sa pagbangon natin, di na ulit tayo madadapa sa parehong pagkakamali.”



Credits:
Performer: LM Cancio
Composer: Carla Baful

Lyrics:
Ilang pangarap nga kaya ang biglaang tinangay
Ilang mukhang nakangiti ang nagbuwis ng buhay
Ilang nakakapit-bisig ang nagkahiwalay
Ilang iyak ang umalingawngaw sa may baybay

Bumabaha ng luha sa buong kalupaan
Ngunit may pangakong nakangiti sa ating bayan

Tayo’y babangon
Hindi tayo magpapaanod
Sa anumang hagupit ang sa ati’y susubok
Hayaang saksihan ng mundo
Ang pagtindig ng Pilipino

Hindi tayo magpapaanod
Sa anumang hagupit ang sa ati’y susubok
Hayaang saksihan ng mundo
Ang pagtindog hit Pilipino

Ilang daluyong na ang ating nalagpasan?
Ilang pilat na ba ang sa atin ay naiwan?
Ilang aral na ba ang ating natutunan?
Kung wala pa rin ay halina’t simulan

Lunurin man ng luha ang buong kalupaan
Balutin natin ng ngiti ang kinabukasan

Tayo’y babangon
Hindi tayo magpapaanod
Sa anumang hagupit ang sa ati’y susubok
Hayaang saksihan ng mundo
Ang pagtindig ng Pilipino

Hindi tayo magpapaanod
Sa anumang hagupit ang sa ati’y susubok
Hayaang saksihan ng mundo
Ang pagtindog hit Pilipino

Tayo’y babangon
Hindi tayo magpapaanod
Sa anumang hagupit ang sa ati’y susubok
Hayaang saksihan ng mundo
Titindig ang Pilipino

“Huling Dalangin”
Episode: Pula
Tungkol sa kuwento ni Vina, isang domestic helper sa Hong Kong na nagkaroon ng sakit na leukemia, ang dokyung “Pula.”

“Nabuo [‘yung kanta] sa kuwento ni Ate Vina, sa kanyang paghihirap at sa kanyang paniniwala na kahit na mahirap man ang kalagayan nya dahil sa sakit, ito ay may dahilan dahil sa Kanya,” paliwanag ng composer ng kanta na si Z Mendioro.



Credits:
Performer: Myra Villegas
Composer: Z Mendioro

Lyrics:
Hanggang saan
Hanggang kailan
Ang hangganan ng pag-asa
Hinugot mula sa Iyong mga kamay

Sa bawat dalangin
Tumatangis sa bawat pagsambit ng ngalan Mo
Sa Diyos na sana ay nakikinig
Sa isinisigaw ng puso ko

Sandigan ay Ikaw
Tanging Ikaw

Paano kung bawiin na ang oras na hiram?
Makakapag-isip pa ba
Kung saan nagkulang?
Walang masabi kundi salamat
Salamat ako’y iyong minahal

Minsan ay naisip nang sumuko
Lakas unti-unting naglaho
Walang daang mapupuntahan
Ngunit kung ibig Mo
Ay madama ang yakap Mo
Ako’y agad tutungo sa Iyo

Paano kung bawiin na ang oras na hiram?
Makakapag-isip pa ba
Kung saan nagkulang?
Walang masabi kundi salamat
Salamat, salamat, salamat
Ako’y iyong minahal

Mapanonoood ang Reel Time tuwing Linggo, alas-9 ng gabi sa GMA News TV. Sundan ang aming Facebook at Twitter accounts para sa mga updates tungkol sa mga susunod o nakaraang na episodes.—Isabelle Laureta/CM, GMA News