ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ang malaking oportunidad sa maliliit na bonsai


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Mapanonoood ang Reel Time tuwing Linggo, alas-8 ng gabi sa GMA News TV. Sundan ang aming Facebook at Twitter accounts para sa updates tungkol sa mga susunod o nakaraang na episodes.
 




Para sa karamihan, ang ibig sabihin ng “bonsai” ay “maliit”. Ngunit para sa ilan, malaking bagay na maituturing ang mga bonsai na parte ng kanilang buhay.

Isang uri ng sining ang paggawa ng bonsai, na ipinakilala ng mga Hapon. Dito, gumagamit ng mga pinaliit na puno na pinatutubo at inaalagaan sa paso. Sa loob ng matagal na panahon, hinuhubog ang maliliit na punong ito para maging kawangis ng malalaking puno sa kagubatan.

Mabusisi ang pagpapalaki ng mga bonsai. Pero bukod sa tagal at hirap nitong palakihin, mailap din ito sa mata ng karamihan.

Sa kabila nito, may ilang “bonsai hunter” na may kakayahan at tiyagang makakuha ng mga tamang materyales na gagawing bonsai.



Sa isang bayan sa Pangasinan, matatagpuan ang bonsai hunter na si Beder. Sa mahigit 20 taon niyang nagbo-bonsai, naging bihasa na siya sa paghahanap at paghubog sa mga ito. Kasa-kasama niya sa kanyang mga biyahe ang kapwa bonsai hunter na si Eugene na kaniyang manugang.



Biyaheng bonsai

Mula Pangasinan, bumibiyahe ang dalawa patungo sa iba’t ibang lugar sa bansa upang makahanap ng mga materyales na gagawing bonsai. “Hina-hunting ang bonsai para makakuha tayo ng [bahagi ng] malalaking puno, kaysa mag-umpisa tayo sa seedling, hindi natin alam kung kelan pa lalaki,” ani Beder. “‘Yun ang [advantage] dun sa pagha-hunting, makakapili ka sa malalaking puno, makakakita ka. [Makakagawa ka ng] iba’t ibang design na magaganda.”

Nagmula sa Bicol si Beder. Siya ang panganay sa isang dosenang magkakapatid. “Hindi ako nakapagtapos ng kahit elementary dahil sa hirap din ng buhay sa amin sa Bicol,” kuwento niya. “Noong 12 [taong gulang] na ako, naglayas ako.”

Batang ama naman si Eugene, 22 taong gulang. Kagaya ng tatay-tatayan na si Beder, naglayas siya sa kanilang tahanan sa Iloilo upang hanapin ang kanyang kapalaran sa ibang lugar.

“Malaking tulong sa ‘kin si Eugene. Gusto niyang matuto siya sa mga ginagawa ko, kaya inaalalayan ko rin,” ani Beder. “Sabi ko lang, ‘Magtulungan na lang tayo.’”



May mga kolektor ng bonsai na gumagastos para sa bawat biyahe nina Beder para maghanap ng puno. Depende sa nagpahanap na kolektor kung anong uri ng puno ang hahanapin nila.
 
 

Inaakyat ng dalawa ang mga kabundukan at sinusuong ang malalakas na hangin at alon makakuha lamang ng pinakamagagandang materyal. Delikado man, hindi na raw nila ito iniinda. Sinisigurado nilang lagi silang may dalang tali na magsisilbing kakapitan sa pag-akyat sa mga bangin at paglusong sa dagat.

“Talagang buwis buhay [ang paghahanap] dahil hindi tayo nakakasigurado sa mga pinupuntahan natin. Hindi mo alam kung kelan lalakas ‘yung alon at hangin,” kuwento ni Beder. “Tuloy pa rin ako dahil wala naman akong alam na ibang paraan na mas madaling pagkakitaan.”


Dagdag naman ni Eugene, “Kapag makakuha kami ng materyales na medyo maganda, mabenta namin ng P2,000, ganun, pangkain na po namin ‘yun. Matagal tagal din naming mauubos ‘yun.”

Bukod sa paghu-hunting, kilala rin si Beder sa pagdidisenyo ng mga materyales na gagawing bonsai. At dahil sa hirap at tagal nitong hanapin at buhayin, malaking halaga rin ang nakakabit sa bawat maliliit na punong ito. Karaniwang pumapalo sa P30,000 hanggang P60,000 ang halaga ng mga ito kung ibebenta sa mga bonsai collector.



Dahil nga rito, umabot sa milyun-milyong piso ang kinita ni Beder sa loob ng unang pitong taon niyang nagbo-bonsai. Sa bawat biyahe niya noon, kumikita siya ng hindi bababa sa P30,000.

“Ako no’n eh kung anu-ano ang binibili ko na appliances sa bahay. Tapos ‘yung iba naman pinapadala ko sa kapatid ko, sa magulang ko,” kuwento ni Beder. Nang tanungin kung ano ang pinakamalaking naipundar niya sa tulong ng pagbo-bonsai, “‘Yung bahay ko, tapos yung lote.”

Pagtumal ng negosyo

Pero hindi naglaon, umikot ang gulong ng buhay. Biglang humina ang kita mula sa bonsai.  Nawala ang mga order. Natigil ang buwan-buwang biyahe. Ito ang naging dahilan upang maisanla ni Beder ang mga naipundar at tuluyang malubog sa malaking utang.

Kung dati ay apat na beses sa isang buwan ang mga biyahe ni Beder, ngayon daw, tatlong taon na ang nakalilipas ngunit isang beses pa lang siyang nakabibiyahe. “Nangungutang talaga ako para may makain ‘yung pamilya ko at makapag-aral lang mga bata,” aniya. “Sasabihin ko ang totoo. Nasa P500,000 plus na ang utang ko.”



Dahil sa sobrang kahirapang nararanasan nila ngayon, hindi rin ipinagkaila ni Beder na minsan niya nang naisip na tapusin ang kanyang buhay. “Talagang nakatali na ang leeg ko no’n. ‘Yung sanga ng puno, inakyat ko. ‘Yung itatali ko na lang ‘yung alambre sa sanga, hinatak ako ng misis ko.”

Pinagsisihan niya umano ang pangyayari at nagsilbi rin iyong inspirasyon sa kanya upang ipagpatuloy ang buhay at gawin ang lahat para sa kanyang pamilya. “Papanindigan ko. Kahit naghihirap ako e, sisikapin kong malusutan itong paghihirap na ito.”

Hanggang sa dulo, bonsai pa rin ang natitirang pag-asa ni Beder. “Ang bonsai sa buhay ko, parang ano lang ‘yan, parang mas higit pa sa buhay ko dahil d’yan ko lahat kinukuha ang kinabubuhay ng pamilya ko,” aniya. “Hangga't nabubuhay ako magbobonsai ako.” — Donna Allanigue/CM, GMA News

Narito ang ilan pang kuwento mula sa Reel Time:

Cinematic aerials for ‘Reel Time’ docu made possible by Tempest Films
 

Ang paghahanap ng nawalang hilig sa potograpiya

Musikang bumubuo sa damdamin ng mga dokumentaryo ng ‘Reel Time’