ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Suiseki, mga batong may kakaibang hugis, hahanapin sa 'Reel Time'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Reel Time presents
Suiseki
February 22, 2015
Sunday, 8:00 PM
GMA News TV

Ano bato?

Nakakita ka na ba ng ibong bato? O bato na animo'y ina na may kargang bata? O 'di kaya'y dinosaur na nakahiga? Ang mga tulad ni Mang Terri, marami nang nakita.

Halos isang dekada na kasing hunter si Mang Terri ng mga suiseki. 





Hindi mga ordinaryong bato ang suiseki.  Ito ay mga batong matagal na panahong hinubog ng kalikasan na mayroong kakaibang hugis, kulay o kayarian.  Para makonsiderang suiseki, ang mga batong ito ay hindi maaaring tapyasin, kulayan o baguhin mula sa orihinal na itsura nito.  At ang pinakamahalaga, mayroon itong kahulugan o ekspresyon na nakadepende sa interpretasyon ng nakakakita rito. 

Itinuturing na isa sa pinakamahusay na suiseki hunter ang limampu’t isang taong gulang na si Mang Terri.  Alam na alam daw kasi niya kung ano ang mga batong may kahulugan.  Bulag man ang isang mata, naniniwala siyang kapalit naman nito ang talento niyang makakita ng suiseki. 





Kahit mahirap at delikado, sinusuyod niya ang mga kabundukan at mga ilog para mahanap ang pinakamagagandang suiseki.  Sa pag-aalok kasi ng mga batong ito sa mga kolektor umaasa si Mang Terri para makadagdag sa kita para sa pamilya.  Ang bawat bato, naibebenta niya mula Php 200.00 – Php 500.00.  Kung dati, pera na naging bato pa, ngayon, ang bato nagiging pera.

Sa mga bansang China at Japan, kung saan nagmula ang sining ng suiseki, mataas ang halaga ng mga batong ito.  Libu-libong piso ang katumbas na presyo ng mga suiseki sa kanila.  Pero dahil wala masyadong kolektor sa Pilipinas at kakaunti lamang ang may kaalaman sa suiseki sa bansa, mababa pa ang halaga nito ngayon.





Pero para sa mga suiseki collectors tulad nina Tonet Gedang at Erwin Fabros, umaasa silang mapapaunlad pa ang sining ng suiseki sa bansa at 'di kalaunan, tataas pa ang halaga nito.
 
Ngayong linggo, hindi ka mababato. 

Aakyat tayo ng kabundukan at tatahakin ang mga ilog para maghanap ng mga suiseki. Tunghayan ang hirap ng paghahanap at ang kagandahan ng mga suiseki pagsapit ng alas-otso ng gabi sa GMA News TV.

Simula na ng paghahanap: Bato bato sa tabi, malay mo suiseki.

Tags: prstory